top of page

Malinaw ayon sa birthday... BABAENG NAKATAKDANG UMUNLAD SA PAG-A-ABROAD

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 17, 2019
  • 2 min read

Dear Maestro, Ako ay tindera sa palengke. Gusto kong malaman kung paano ako aasenso sa buhay para makatulong ako sa aking pamilya na nasa probinsiya. Maliit lang kasi ang suweldo ko rito at palaging kapos sa mga pangangailangan kong personal. Sa totoo lang, sa akin pa lang ay halos kulang pa ang kinikita ko bilang tindera. Gusto kong makatikim ng panalo sa lotto kaya naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, kaya sana, bigyan ninyo ako ng tips kung paano ako tatama ng jackpot sa lotto at iba pang number games. February 7, 1984 ang birthday ko. Umaasa, Aquarius Girl ng San Roque, Cainta, Rizal Dear Aquarius Girl, Ikaw ay nagtataglay ng birth date na 7 at bukod sa numerong 7, ikaw din ay may destiny number na four (4) (2+7+1984= 1993/ 19+93=112/ 11+2= 13/ 1+3=4) sa zodiac sign na Aquarius.

Ibig sabihin, mapalad ka sa lahat ng mga numerong may mga sumatutal na 7, 4, 1 at 8. Sa mga numero ring nabanggit, magpapaikut-ikot ang iyong tadhana at kapalaran.

Ang problema, kung habambuhay ka na lang magtitinda o magiging tindera sa palengke, tunay ngang walang mangyayari sa iyo, sa halip, kailangan ang mga numerong 7 at 4 kapag mag-a-apply ka sa ibayong-dagat. Oo, mas maganda kung mag-a-abroad ka!

Kailangan mong gawin ang pag-a-abroad hanggang ikaw ay bata at malakas pa ang pangangatawan dahil tulad ng naipaliwanag na, tunay ngang sa pangingibang-bansa, makakamit mo ang suwerte at magandang kapalaran. Kapag nabuo na ang iyong loob upang sumubok na magtrabaho sa ibang bansa, palagi kang gumamit ng kulay berde at dilaw sa tuwing lalakarin mo ang iyong mga papeles upang mas madaling pumabor sa iyo ang buwenas at positibong kapalaran.

Mapalad ka tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 7, 15 at 25 sa anumang buwan higit lalo sa mga araw ng Linggo, Lunes at Sabado. Sa mga araw na nabanggit, may magandang suwerteng darating sa iyong buhay.

Kung tataya ka sa lotto at susubok ng iba pang pakikipagsapalaran, isaalang-alang mo ang pinakamapalad mong mga buwan na Enero, Pebrero, Mayo, Hunyo, Setyembre at Oktubre, mas mainam din kung maghanap ka ng lotto outlet na nalilimliman ng malaking punongkahoy o kaya ay lotto outlet na nakatayo sa madilim at tahimik na lugar.

Ang lotto outlet na nabanggit ay medyo madilim sa loob at nakatayo sa tahimik na lugar ang nakatakdang magpatama sa iyo ng jackpot. Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kung susundin mo ang mga simpleng suhestiyon sa itaas, magtrabaho ka sa ibayong-dagat, tiyak ang magaganap sa taong 2030, tumaya ka man sa lotto o hindi, sa nasabing panahon sa edad mong 46 pataas, makakamit mo na ang masaganang pamumuhay at bonggang-bonggang pag-unlad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page