top of page

Babala sa mga diabetic na gustong magpabunot ng ngipin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 16, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Mayroon akong diabetes, pero may maintenance ako para rito. Ang problema, ilang araw nang sumasakit ang aking ngipin at dahil dito, namaga ang aking pisngi. Nireseta­han ako ng dentista ng antibiotic, pero dahil mataas ang blood su­gar ko, kailangan ko raw hu­mi­ngi muna ng clearance sa doktor ko bago niya ako bunutan sa pagbalik ko mata­pos uminom ng antibiotic at pain reliever. Tama ba ‘yun? — Stella

Sagot

Depende ito sa den­tis­ta subalit, kung sina­bi­han ka ng dentista na kailangan muna ng clearance galing sa iyong doktor, ‘yun ang gawin mo. Kung mataas ang asukal sa dugo at sa tingin ng dentista ay makahi­­hintay pa ang pagbunot ng ngipin ng dalawang ling­go, mas mabuting ipagpa­liban muna hanggang sa maayos ang asukal sa dugo, gayundin, kaila­ngang normal lang ang blood pressure ninyo kung may alta-presyon bago bunutan ng ngipin.

Gayunman, kung emer­gency ang kaila­ngang gawin ng dentista dahil malala na ang lagay ng ngipin mo, lalo na kung may nana, puwedeng gawin na agad ang pag­bunot ng ngipin kahit mataas ang asukal sa dugo sapagkat mahirap paba­bain ang asukal sa dugo kapag may impeksiyon at ang patuloy na mataas na asukal sa dugo ay magpa­palala sa impeksiyon.

Minsan, may mga pasyente na hindi sinasabi sa dentista na may diabetes siya para mapabunot agad ang ngipin, pero mas mabuting ipaalam sa dentista kung kayo ay may diabetes o alta-presyon dahil ibang klase ng anesthesia ang kailangang gamitin dahil baka mag­karoon ng interaksiyon sa ibang gamot ng pasyente.

Para sa kaalaman ng lahat, kadalasan, humi­hi­ngi ng clearance ang dentista sa doktor ng pasyente kung puwedeng bunutan ng ngipin dahil kailangang i-assess ng doktor kung kontrolado ang diabetes at tingnan ang mga gamot na iniinom ng pasyente.

Depende sa kaso ng pasyente, ang mga gamot na pampalabnaw ng dugo tulad ng aspirin, clopido­grel o warfarin na ibini­bigay sa mga may diabetes (para hindi atakihin sa puso o ma-stroke) ay dapat itigil muna.

Kung gaano katagal ititigil ang mga gamot na ito ay depende sa sitwas­yon ng pasyente, kaila­ngang balansehin ang peligro ng pagdurugo dahil sa pagbunot ng ngi­pin at ang tsansa na atakihin sa puso o ma-stroke naman ang pasyente dahil lumapot ang dugo.

Minsan, kailangang ibahin pansamantala ang oras ng pag-inom ng gamot. Halimbawa, inumin ng mas maaga ang gamot sa alta-presyon (sa umaga imbes na sa hapon) bago gawin ang pagbunot ng ngipin para maiwasan na tumaas ang blood pressure habang binubunutan.

May mga gamot sa diabetes na kailangan ipagpa­liban o i-delay ang pag-inom o pagturok kung insulin para maiwasan ang pagbagsak ng asukal sa dugo habang ginagawa ang pagbunot ng ngipin kaya mas mainam na pumunta muna sa doktor at humingi ng clearance kung kaya pang tiisin ang sakit ng ngipin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page