top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

‘Wag pangunahan ang mga bagay-bagay, relaks lang!

Isko Moreno
Jul 16, 2019
2 min read

NAGING usapan nitong mga nakaraang araw ang diumano’y plano nating pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa politika. Mayroon tuloy mga puna na PR job o politika lang ang mga pagbabagong sinisimulan natin sa Lungsod ng Maynila.

Gusto lang natin klaruhin na walang PR job o may pasimuno sa sinasabi nilang “future political plan.” Ang mga ginagawa natin ngayon ay kasama sa mga ipinangako nating pagbabago sa lungsod noong kampanya. Wala pa ito sa kalingkingan ng mga dapat nating gawin at ayusin sa lungsod.

Muli, wala tayong balak tumakbo sa susunod na halalan o sa mas mataas na posisyon. Nais lang nating ipagpatuloy ang nasimulan natin sa Maynila at sana ay mabigyan tayo ng mas mahabang panahon na makapaglingkod sa lungsod upang magawa natin ang mga panandalian at pangmatagalang plano at proyekto.

Marami tayong magagaling na mga senador, kongresista at miyembro ng gabinete. Hayaan muna natin sa kanila ang usaping ‘yan. Tulad ng nasabi natin, todits-todits lang muna tayo. Napakalaki pa ng ating misyon para sa Maynila.

Kaya sa mga walang magawa at naiinggit, relaks lang. Wala sa plano natin ‘yan!

◘◘◘

Kahapon, sa unang pagkakataon ay isinagawa ang flag raising sa Andres Bonifacio Shrine pagkatapos itong malinisan at mabanlawan, kamakailan.

Sa mahabang panahon, hindi natin napakinabangan bilang mamamayan ng Lungsod ng Maynila ang Bonifacio Shrine. Hindi na ito mapanghi at hindi na ito “tae-tae island”. Nabawi na ng taumbayan ang parkeng ito.

Nagpapasalamat tayo sa kapulisan at DPS sa ginawang paglilinis at tayo ay umaapela rin sa lahat ng namamasyal o tumatambay dito na kung puwede ay ingatan, alagaan at itapon ang basura sa tamang lugar.

Ang challenge ngayon sa atin ay mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng Lungsod ng Maynila. Samahan ninyo ako, mga batang-Maynila!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page