Paraan upang makahingi ng tulong sa PCUP sa kaso ng demolisyon at ebiksiyon


HINDI na bago sa ating bansa ang magkaroon ng mga kababayan na walang sariling tirahan dahil sa demolisyon at ebiksiyon. Gayunman, ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay handang tumulong sa mga mahihirap nating kababayan na may kinahaharap na ganitong isyu.
Tanong: Ako si Emma, 33 taong gulang, may dalawang anak at proud solo parent ako. Ang problema, pinaaalis na kami sa aming tinitirhan at hindi ko alam kung saan kami tutuloy ng mga anak ko. Ano ang puwede naming gawin? Sana ay matulungan ninyo kami. Maraming salamat!
Sagot
Magandang araw, Emma! Kung kayo ay mayroong problema sa demolisyon at ebiksiyon, kailangan ninyong magpadala ng formal letter o pumunta sa tanggapan ng PCUP upang ma-validate ang inyong kaso. Sa pagkakataong ito, malalaman natin kung anong aksiyon ang puwede nating maibigay sa inyong sitwasyon.
Kalakip ng inyong sulat ang detalye ng inyong kaso tulad ng case number o case title, korte na sumasakop sa inyong kaso (e.g. RTC, MTCC), pangalan ng implementing judge, kasulatan na inyong natanggap (e.g. Writ of Demolition), kumpletong lokasyon o address ng lugar na ide-demolish o may paaalisin at iba pang detalye.
Kung ito naman ay tungkol sa pagpapaalis sa ilalim ng administrative order, kalakip naman ng inyong sulat ang pangalan ng proyektong isasagawa sa inyong lugar, ahensiyang nagpasimula ng proyekto, lokasyon ng lugar na ide-demolish o may paaalisin, bilang ng pamilya ang maaapektuhan, pangalan ng samahan kung mayroon at iba pang detalye.
Paalala lang na ang bawat kaso ay mayroong iba’t ibang mukha: Maaaring mauwi ito sa pagbili ng inyong lupang kinatitirikan; maaaring mabigyan tayo ng relokasyon o ayuda; maaari tayong mabigyan ng pambalik-probinsiya o anumang maaaring tulong na puwedeng maihain sa atin ng pamahalaan. Alinsunod na rin ito sa “no demolition without relocation” policy ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.





Comments