Mga cong. naglaway sa hirit na unli-term, tsk-tsk-tsk!

WALA pang katiyakan kung maipatutupad ang ineendorsong 15-21 term-sharing ni P-Digong para maresolba ang gulo sa Speakership sa Kamara.
Pumapalag kasi rito si Rep. Paolo “Pulong” Duterte!
◘◘◘
Sa isang text message ni “Pulong” sa mga reporter, nagtataka siya kung bakit pinaghahati-hatian na agad ang mga komite, gayung hindi pa naihahalal ang Speaker.
Text ni Rep. Pulong: “May election pa sa July 22 at doon ako mas interesado kung sino ang manalo kasi may bali-balitang may isa pa sa tatlo na balak mag-coup d’état on the day. Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backer.”
◘◘◘
GANYAN din ang pahiwatig ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.
Nilinaw ni Panelo na ang mga kongresista pa rin ang magdedesisyon dahil nagbigay lang daw ng suhestiyon ang pangulo!
◘◘◘
TODO-KAYOD at paliwanag pa rin si Rep. Cayetano para matiyak na makokopo nito ang posisyon.
Ipinanukala ni Rep. Cayetano ang extension ng term limit ng mga kongresista kung saan marami ang nabulabog!
◘◘◘
Sa kanyang proposal, magiging 4 years/no term limit o 5 years/3-term limit na ang termino ng mga kongresista!
Natakam at naglaway agad ang mga taga-Kamara!
◘◘◘
Pero, ang taumbayan ba ang makikinabang sa panukalang ito?
Para kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, mali agad ang pagsisimula ni Rep. Cayetano kung ito ang magiging Speaker sa bagong Kongreso!
◘◘◘
Sa Twitter account, sinabi ni Sen. Lacson na ang suhestiyon ni Rep. Cayetano ay isang paraan ng pagwalis sa Charter Change sa ilalim ng 18th Congress.
Text ni Sen. Lacson: “I would say, country first before self-interest.”
◘◘◘
HINDI rin kumagat ang Palasyo sa term-extension para sa mga solon.
Ani Panelo, kailangan munang kunin ang public sentiment bago gawin ito!
◘◘◘
NGAYONG nabanatan, laban-bawi agad si Rep. Cayetano sa kanyang panukala.
Paano na ang naipangako niya sa mga kongresistang magdedesisyon sa kung sino ang kanilang magiging Speaker?
◘◘◘
LUMALABAS na walang isang salita ang kongresista ng Taguig.
Media na ang sinisisi niya dahil hindi raw accurate mag-report.
He-he-he!





Comments