top of page
Pokwang.jpg

KAPATID NA PUGOT AT BASKETBALL COURT NA MAY MGA NAKALIBING

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 15, 2019
2 min read

Salaminin natin ang panaginip ni Nilla ng Nilla_Pontillo@facebook.com

Dear Professor,

Noong isang gabi ay nanaginip ako, ‘yung kapatid ko pugot siya, pero, nagsasalita pa rin at buhay. Tapos, ipinapatong lang niya sa leeg niya ang ulo niya kaya lang nalalaglag.

Matangkad siya, pero nai-insecure siya sa height niya, kaya tinabasan niya ‘yung beywang niya ng 2-3 inches para bumaba nang kaunti ang height niya, tapos nagising na ako.

Kagabi, nanaginip ako ng iba. Basketball court naman, pero ‘yung court ay may mga nakalibing, ‘yung ibang nitso ay sira at mayroon ding na­kabukas, tapos, buo pa ang mga katawan ng mga patay.

Ano ang ibig sabihin ng mga ito?

Naghihintay,

Nilla

Sa iyo Nilla,

Surreal dreams ang mga panaginip mo. Ang mga panaginip na malayo sa katotohanan na kadalasan ay walang basehan sa reyalidad at imposibleng mang­yari ay nauso bago ang tinatawag sa ka­saysayan na “pagkakamulat” or “the renais­sance”. Ito ang panahon na ang tao ay nagpakita ng kagustuhang lumaya, hindi lang sa pamahalaan o sa mga kaharian kundi maging sa kaalaman o karunungan sa iba’t ibang larangan.

Noon ay namulat, as in, nagising ang mga tao na ma­tagal na palang alipin ang mundo ng mga nag­ha­hariang-uri. Namulat ang mga tao, pero hindi basta-basta puwedeng simulan ang pagkakamulat dahil magiging madugo, marahas at mapanira ito.

Dahil dito, parang nagkaisa ang mga alagad ng sining na ilarawan ang bagay sa mga pinta na ang re­ya­lidad ay puwedeng baguhin, ibahin at sirain. Sob­rang nagustuhan ito ng maraming tao, kumbaga, sa salita ngayon, hit-na-hit o best selling.

Hindi man nila gaanong maunawaan ang mga kakaibang larawan, natanim naman sa kanilang kaisipan at kamalayan na puwede pa lang mabago ang umiiral na katotohanan. Ang iyong mga panaginip ay ganun­din, masasa­lamin sa buhay mo ngayon na nagrerebelde ka sa mga aral at patakaran na pinagagawa sa iyo.

Huwag kang matakot, walang masamang mang­yayari sa mga taong napanaginipan mo, kumbaga, hindi para sa kanila ang iyong mga panaginip kundi para sa iyo. Ang simpleng mensahe ay dapat kang lumaya sa mga makalumang sistema ng iyong buhay.

Daraan ka sa hirap, pero kailangan mo ito dahil ang tunay na kaligayahan ay nagsisimula sa pag­kamulat at ang pagmulat ng iyong kaisipan ay dadalhin ka kung saan matatagpuan mo ang kali­gayahang matagal mo ng inaasam-asam.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page