Ano ang responsibilidad ng employer sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law?
- BULGAR

- Jul 15, 2019
- 2 min read
Dear SSS,
Magandang araw! Sa ilalim ng bagong batas tungkol sa maternity leave o Republic Act 11210, ano ang responsibilidad ng employer sa pagbibigay ng benepisyo at paano ito naiiba sa dating batas? — Celia ng Pasig
Sagot
Para sa inyong katanungan, pinalawig ng Republic Act 11210 o mas kilala sa tawag na 105-day Expanded Maternity Leave Law ang bilang ng araw ng maternity leave. Sa ilalim ng lumang batas tungkol sa maternity leave, 60 araw ang ibinibigay na maternity leave para sa normal delivery at 78 araw naman para sa caesarian delivery subalit, sa bagong batas, magiging 105 araw na ang maternity leave, normal man o caesarian ang delivery. Bukod pa rito, may option din ang nanganak na palawigin ito ng karagdagang 30 araw ngunit, wala na itong bayad. Nagbibigay din ng karagdagang 15 araw para naman sa mga single mother.
Samantala, binibigyan naman ng 60 araw na maternity leave ang kababaihang nakunan o sumailalim sa emergency termination of pregnancy.
Nasasaklaw ng bagong batas ang lahat ng kababaihang manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, kabilang na ang nasa informal sector, anuman ang kanilang civil status at legitimacy ng kanilang anak.
Kung noon ay limitado lamang ang maternity benefit sa unang apat na pagbubuntis, ngayon ay wala nang limitasyon ang bilang ng pagbubuntis na mabibigyan ng benepisyo sa panganganak. Makatatanggap ang babaeng miyembro ng SSS ng benepisyo sa bawat pagbubuntis nito.
Para sa mga employer, responsibilidad nilang abisuhan ang SSS tungkol sa pagbubuntis ng kanilang empleyado at dapat paunang bayaran ang kabuuang maternity benefit sa loob ng 30 araw matapos i-file ang maternity benefit claim application.
Sa ilalim ng bagong batas, nais nating ipaalala na dapat bayaran ng mga employer ang difference sa pagitan ng kabuuang kita ng manggagawang babae at ang aktuwal na tinanggap nitong cash benefits mula sa SSS. Halimbawa, kumikita ang babaeng manggagawa ng P1, 000 kada araw, lalabas na ang kabuuang kita niya sa 105 araw ay P105, 000. Kung ang natanggap niyang maternity benefit mula sa SSS ay P70, 000, ibibigay pa rin ng employer ang P35,000 na kakulangan sa pagitan ng P105,000 at P70,000.
Ipinaaalala natin na ang sinumang employer na lalabag sa Expanded Maternity Leave Law ay pagbabayarin ng kaukulang multa na nagkakahalagang hindi bababa sa P20,000 at hindi hihigit sa P200,000.
Maaari rin siyang makulong ng mula anim na taon at isang araw hanggang 12 taon. Hindi na rin sila maaaring maisyuhan ng kaukulang business permit sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Samantala, ang Contributions Condonation Penalty Program naman ay bukas hanggang sa ika-6 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingkuwenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL




Comments