2 pulis, 2 rebelde todas sa engkuwentro
- Jeff Tumbado
- Jul 15, 2019
- 2 min read

APAT ang patay kabilang ang dalawang pulis at dalawang New People’s Army sa sagupaan sa Camarines Sur at Agusan del Sur.
Sa tagong barangay ng Payak sa bayan ng Bato nang magkasagupa ang pulisya at ilang armado alas-5:00 ng madaling-araw kahapon kung saan dalawang pulis ang nasawi.
Nakilala ang mga nasawi na sina Police Master Sergeant Javier Sotero at Patrolman Prince Lagdameo, kapwa nakatalaga sa 2nd Camarines Sur Provincial Mobile Force Company.
Ani Police Major Maria Luisa Calubaquib, una umanong nagsagawa ng intelligence operation ang mga biktima sa lugar na kabilang sa dalawang platoon nang makaengkuwentro ang nasa 18 miyembro ng NPA.
Tumagal ng mahigit 20 minuto ang bakbakan bago nagsiatras ang mga kalaban.
Samantala, sa Bgy. Bunawan Brook sa Agusan del Sur, napatay naman ang dalawang miyembro ng NPA sa pakikipagsagupa sa mga tauhan ng 75th Infantry “Marauder” Battalion-Philippine Army, alas-3:45 ng hapon ng Sabado.
Una umanong rumesponde ang militar sa Sitio Sta. Monica dahil sa nakarating na report na may mga armadong lalaki ang gumagala sa isang komunidad doon na siyang dahilan ng pagkaalarma ng mga residente.
Nabatid kay Lieutenant Colonel Jaime Datuin, nasa lugar ang mga rebeldeng komunista upang magsagawa ng pangongolekta ng pera at mga pagkain.
Tumagal ng 15 minuto ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde at nang humupa ay natagpuan sa clearing operations ang dalawang bangkay ng rebelde.
Base sa report, ang napatay na mga rebelde ay nasa ilalim ng Guerilla Front 14 na pinamumunuan ni Arnold Orlanes Conejar alyas Jorlan, na kumikilos sa boundary ng Agusan del Sur at Surigao del Sur.
Nakuha ng militar sa encounter site ang iba’t ibang armas at ilang subersibong dokumento.





Comments