Karapatan tungkol sa pagkakaroon ng sariling bahay
- BULGAR

- Jul 14, 2019
- 3 min read
ISA sa mga pangunahing pangangailangan ng tao ay ang magkaroon ng maayos at disenteng tahanan kung saan siya titira at magpapahinga matapos ang mahabang araw na pagtatrabaho. Ito ay hindi kinakailangang malaki, ang importante ay sarili o matatawag na pag-aari ng pamilya subalit, hindi ganu’n kadali para sa sinuman, lalo na sa mga hindi kataasan ang sinasahod mula sa kanilang pagtatrabaho ang makapagpundar ng sariling bahay. Marami pa rin ang nangungupahan o bibili ng rights para makapagpatayo ng bahay sa maliit na lote dahil hindi pa kakayanin na makapagpundar ng sariling bahay. Kaya naman ang pamahalaan ay gumawa ng batas kung saan binibigyan ng pagkakataon ang mamamayang nagnanais na makapagpundar ng bahay para sa kanilang pamilya.
Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 7279 o mas kilala sa titulong “Urban Development and Housing Act of 1992”, ang ating mga kababayan ay mabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng kanilang sariling bahay sa pamamagitan ng socialized housing program ng pamahalaan. Sakop ng socialized housing program ang mga pabahay na isinagawa ng pamahalaan at pribadong sektor para sa mga nasa mas mabababang antas ng pamayanan na gustong magkabahay subalit, hindi makayanan ang mataas na hulog para sa nasabing bahay.
Para maisakatuparan ang mga layunin ng socialized housing program ng gobyerno, ang mga lupang pag-aari ng gobyerno at nailit na lupain ay bibilhin ng lokal na pamahalaan o ng National Housing Authority (NHA) para ipamahagi sa mamamayang kuwalipikadong makakuha ng pabahay sa ilalim ng nasabing programa. Ang mga aktuwal na nakatira sa nasabing mga lupa na bibilhin ng pamahalaan para sa socialized housing program ay magkakaroon ng karapatang maunang alukin para bumili nito.
Para maging kuwalipikado sa programang ito, ang benepisaryo ay kinakailangang siya ay Pilipino, hindi kasama sa mga tinaguriang “professional squatters”, nasa mababang antas ng lipunan at walang bahay o anumang pag-aari na lupain.
Ang mga napagkalooban ng benepisyo mula sa “socialized housing program” ay hindi pinahihintulutang magbenta, magpaupa o magsanla ng lupa at bahay na naipamahagi sa kanila sa ilalim ng nabanggit na programa. Anumang pagsasanla o pagbebenta ay walang bisa at ang nagbenta o nagsanla ay mawawalan ng karapatan sa lupa at lahat ng kanyang naibayad ay mapupunta sa pamahalaan. Hindi na rin siya maaari pang kumuha ng kanyang lupa at bahay sa ilalim ng programa sa loob ng 10 taon mula nang ito ay lumabag sa nasabing pagbabawal.
Kapag ang benepisaryo ay namatay bago maibigay sa kanya ang kabuuang pagmamay-ari nito, maililipat ito sa kanyang mga tagapagmana matapos nilang akuin ang pagbabayad ng natitirang bayarin. Kapag hindi inako ng kanyang mga tagapagmana ang natitirang utang o obligasyon, maibabalik muli ito sa pamahalaan para maipamahagi itong muli sa ilalim ng probisyon ng programa sa iba pang benepisaryo.
Nakapaloob din sa batas ang Community Mortgage Program. Ito ang programa ng National Home Mortgage Finance Corporation na may layuning bigyan ng tulong ang mga nabuong legal na grupo na nasa mababang antas ng lipunan at ng mga walang bahay na bumili at ayusin ang malaking lupain na ituturing na pagmamay-ari nilang kumon bilang komunidad. Ang layunin ng programang ito ay upang mabigyan ng tulong ang mga naninirahan sa mga mahihirap na lugar na mabili ang lupang kanilang inuokupa o lugar kung saan nila gustong lumipat upang sa kalaunan ay magawan nila ito ng maayos sa abot ng kanilang kakayahang pagandahin ang kanilang komunidad at kabahayan.
Ang mga benepisaryo sa ilalim ng Community Mortgage Program ay hindi mapaaalis sa kanilang tinitirhan maliban lang kung sila ay lumiban sa kanilang pagbabayad ng amortisasyon ng tatlong buwan.




Comments