Karamihan sa mga Pinoy, walang tiwala sa China?!

NAKAPAGTATAKA, bakit hinayaang makapasok ng guwardiya ng Metrobank Binondo branch ang limang kalalakihan na lumabas na ‘persons of interest’ bago magbukas ang bangko?
Sa pagkakaalam natin, ang mga karaniwang pinapapasok lang ng mga guwardiya ay ang mga empleyado ng bangko. Nagdarasal pa sila bago buksan ang bangko ng eksaktong alas-9:00 ng umaga ayon sa messenger na pinadadala natin dito. Dapat imbestigahang mabuti ng mga pulis ang guwardiya sa naturang bangko.
Kaugnay nito, dalawang oras ang pinalipas bago pinapasok ng bangko ang mga pulis batay daw sa mga patakaran ng Bangko Sentral. Dapat maglabas ng pahayag ang Banko Sentral kung totoo ang patakaran at ipaliwanag kung para saan ang dalawang oras, baka dapat muli itong pag-aralan.
Sa ngayon, wala pa ring inilalabas na statement ang Metrobank tungkol sa halaga o kung magkano ang nawala sa kanila. Ayon sa mga pulis, may limang ‘persons of interest’ na silang tinitingnan, pero hindi pa masyadong namumukhaan ang mga ito dahil sa mga suot na sumbrero o helmet. Bakit ba walang CCTV na sa ilalim ang kuha para kahit nakasumbrero ang tao ay makikita pa rin ang mukha?
Samantala, dismayado naman si Mayor Isko Moreno sa Metrobank dahil sa ipinakita nito sa awtoridad. Hindi nakipagtulungan sa imbestigasyon, tila hinahadlangan pa, bakit kaya?
◘◘◘
Halos 90% ng mga Pilipino o siyam sa 10 Pilipino ang naniniwalang kailangang igiit ng gobyerno ang karapatan sa mga isla na inaangkin, gayundin ang napanalunang desisyon sa UN Permanent Court of Arbitration kung saan ipinawalang-batayan ang Nine Dash Line ng China sa karagatan. Halos 90% din ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat hulihin ang mga mangingisdang Chinese na sumisira ng kalikasan sa West Philippine Sea (WPS). Ito ang mga resulta ng pinakabagong pagsusuri ng Social Weather Stations (SWS).
Sa totoo lang, kahit ilang beses magkaroon ng survey, pareho palagi ang resulta. Karamihan sa mga Pinoy, wala pa ring tiwala sa China at hindi rin sang-ayon sa kasalukuyang ginagawa ng gobyerno sa China na tila ibinibigay ang lahat para rito.
Dahil sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilapit ang Pilipinas sa China, hindi lang sa karagatan natin nanghihimasok ang China kundi maging sa loob mismo ng ating bansa.
Ipinagmamalaking ang buwis na makokolekta umano mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay aabot sa P2 bilyon kada buwan.
Siguro, dapat silipin ng gobyerno ang dumaraming negosyo sa bansa, partikular ang mga iligal. Napakaraming “Chinese only” na kainan ang isinara dahil walang lisensiya at dokumentong maipakita pero, bakit naitayo kung hindi alam ng lokal na pamahalaan?





Comments