SASALANG SA DOBLENG ENSAYO SI BELINGON KONTRA FERNANDES

MAAGANG magsisimula ng kanyang training si dating ONE bantamweight champion Kevin “The Silencer” Belingon bilang preparasyon niya laban kay Brazilian nemesis Bibiano Fernandes na muli niyang haharapin sa ikaapat na beses sa Oktubre.
Nakawala kay Belingon ang kanyang titulo sa bisa ng kontrobersiyal na diskuwalipikasyon nang aksidente niyang tamaan si Fernandes sa batok noong Marso.
Sa ngayon, nais niyang matiyak na wala nang kontrobersiya na mangyayari at magtatapos na hawak niya ang panalo. “Masaya ako at nabigyan ako ng rematch kay Bibiano Fernandes. Nagkaroon ako ng chance na makuha ulit ang title,” ani Belingon.
Bagamat bitin pa siya sa naturang laban, alam na ni “Silencer” kung ano ang kanyang aasahan sa ikaapat na paghaharap. “After ng laban namin nu’ng March, medyo naging familiar na ‘ko sa galaw niya. ‘Yun nga ang weapon talaga niya, ‘yung takedown at ground game niya. Iyon ang isa sa pinaghahandaan natin,” aniya.
Nais idagdag ni Belingon sa kanyang arsenal ang isang solidong depensa. Napansin din ng Team Lakay stalwart kay Fernandes na umiigi ngayon ang ensayo ng Brazilian, lalo na ang striking at nagiging world-class ang ground game. “Kailangang dagdagan ko ‘yung depensa. Nu’ng unang round, pumasok ‘yung suntok niya. ‘Yun ang babantayan rin natin, ‘yung depensa natin,” aniya.“Noong mga nakaraang laban niya bumabato rin siya ng sipa, suntok. ‘Yun lang, medyo hindi ko na-calculate ang distance kaya nasingitan.”
Magtitilaran sina Belingon at Fernandes sa ONE: Century na idaraos sa Oktubre 13 sa Tokyo, Japan.





Comments