top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Kahanga-hanga ang bansa na may pagmamahal sa kalayaan at demokrasya

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 13, 2019
2 min read

NAGLAKAD nang dikit-dikit na parang mga langgam na halos hindi makita ang kanilang mukha. Nagpahayag ng damdamin, pananaw at prinsipyo laban sa panukalang-batas na laban sa kalayaan, laban sa demokrasya.

Ito ang mamamayan ng Hong Kong, pinuno ang mga kalye at lansa­ngan upang ipakita ang kanilang pagkakaisa at pagtutol sa panggigipit at bantang pagkitil sa de­mokrasya ng isinusulong na China Extradition Law.

Ayon sa batas na ito, ipadadala (extradite) sa China ang mga akusadong pinaghihinalaang krimi­nal upang humarap sa korte. Hindi malayong maging target ng batas ang mga kritiko ng Partido Ko­munista ng China na kapag pumasa’t naging batas ang panu­kalang ito, manga­nganib ang matagal nang pinahahalagahang karapatan ng malayang pamamahayag ng mama­mayan ng Hong Kong.

Ganito rin ang nang­yayari sa Estados Unidos sa patuloy na pagtutol ng mga Amerikano sa mga kontrobersiyal na poli­siya ng kanilang pangulo. Kumikilos ang mga mambabatas na tumututol sa diumano’y mga mali at mapagmalabis na mga polisiya nito. Maraming mahuhusay na komed­yante na nagpapalabas ng kanilang pagtutol sa pamamagitan ng “sitcom” na nagba-viral sa social media.

Naranasan ng mga taga-Hong Kong ang makapangyarihang pananakop ngunit, sa kabila ng pananakop ng mga Ingles, umunlad at natutong tumayo sa sarili ang maliit na bansa at natuto itong isabuhay ang mga prinsipyo at pananaw ng demokrasya.

Nang umalis ang mga Ingles, nagkaroon ng kasunduang hindi ganap na sasakupin ng China ang Hong Kong sa loob ng 50 taon. Mahigit 20 taon na ang nakararaan mula nang bitiwan ng mga Ingles ang Hong Kong.

Palapit nang palapit na ang katapusan ng 50 taon na palugit ngunit, ngayon pa lamang ay ipinadarama at ipina­kikita na ng China ang kanyang kapangyari­han, pero hindi yumuyuko ang mamamayan ng Hong Kong. Patuloy ang kani­lang pagmamartsa at buong lakas-loob nilang ipinahahayag ang kani­lang paninindigan sa buong mundo. Mabuhay kayong mga nagma­mahal sa kala­yaan at demokrasya, mabuhay ang Hong Kong!

Maaari ba tayong ma­tu­to sa maliit na ban­sang ito? Malaki ang Pilipinas kumpara sa sukat ng lupa at popu­lasyon ng Hong Kong ngunit, tila mas ipit ang tinig ng marami sa atin, anong nangyayari?

Tumira at nagtrabaho tayo sa Hong Kong. Naranasan natin ang kolonya ng mga Ingles, nakita natin ang iba’t ibang protesta ng mamamayan laban sa malinaw na pang­hihimasok ng China sa pamamalakad ng maliit na bansa. Noon pa nagma­martsa ang mga taga-Hong Kong, mada­las natin makita ang pamumuno ni Cardinal Joseph Zen sa mga mobilasyong ito. Bahagi ang Simba­hang-Katolika sa Hong Kong sa pag-agos ng ilog ng kasaysa­yan. Kaugnay nito, uma­agos ang ilog ng kasaysa­yan sa ating bansa. Mali­naw ang panghi­himasok ng China ngunit, tahimik at hindi nagma­martsa ang mga Pinoy, mayroon ba tayong matututunan sa ating magiting na kapitbahay?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page