Governor, tinuluyan sa fertilizer scam

NAHAHARAP sa tatlong buwang suspensiyon ang gobernador ng Cotabato dahil sa mga kasong graft at malversation of public funds na may kinalaman sa pagbili ng P5 milyong halaga ng fertilizer.
Ibinaba ng Sandiganbayan ang suspensiyon laban kay Cotabato Gov. Nancy Catamco sa magiging imbestigasyon laban sa opisyal.
Inakusahan ng Ombudsman si Catamco, gayundin ang kanyang kapwa mga akusado na sina dating Poro, Cebu Mayor Edgar Rama; dating Poro, Cebu vice-mayor Ronald Pajaron Carcellar; at dating Sangguniang Bayan member Ruben Estrera, Jr., Gorgina Gonzales, Sergio Zurita, Nilo Gorgonio, Gregorio Dorog at William Surbano na umano’y nakinabang sa pagbili ng 3,333 bote ng Vitacrop liquid organic fertilizers sa halagang P1,500 kada bote.
Ang nasabing fertilizer ay gawa ng kumpanyang Perzebros Company, na pag-aari ni Catamco at ng kanyang dating asawa na si Pompey Reyes.
Natukoy ng Commission on Audit na nagkaroon ng overpricing ng P1,092 sa kada bote ng fertilizer.
Hindi kinagat ng Anti-Graft Court ang hirit ng kampo ni Catamco na hindi siya dapat masuspinde dahil sa nakabimbing pag-aksiyon sa inihain nitong Petition for Certiorari sa Korte Suprema.
Sa kanyang petisyon sa SC, iginigiit ni Catamco na umabuso ang Ombudsman nang sampahan siya ng mga kasong kriminal.





Comments