top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Dagdag-sahod sa mga guro, next sa dobladong suweldo ng mga pulis at sundalo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 13, 2019
2 min read

SA pagpasok ng Hulyo, 10 bagong panuka­lang-batas ang ating isinumite sa Senado na gagawin nating prayoridad sa pagsisimula ng ika-18 Kongreso.

Nariyan ang Senate Bill 132 na naglalayong bigyan ng kaukulang diskuwento ang mga pa­ngunahing pangangailangan ng mga estud­yante tulad ng pagkain, gamot, tuition, miscel­laneous at iba pang school fees, bayarin sa mga libro at school supply.

Ang SB 133 na naglalayong taasan ang buwanang social pension ng mga senior citizen; SB 134 o ang panukalang nag-aatas sa lahat ng regional, provincial at national hospitals na mag­tatag ng kani-kanilang dialysis ward na magbi­bigay ng libreng dialysis sa indigent patients.

Ang SB 135 o ang panukalang manganga­laga sa mga seafarer (Magna Carta of Filipino Seafarers); SB 136 (Magna Carta for Barangays) na ang layunin ay kilalanin bilang mga opisyal na government employee ng mga barangay official na tatanggap ng kaukulang suweldo, allowance at benefits tulad ng mga regular na empleyado ng gobyerno.

Ang SB 137 na nagbabawal sa iba’t ibang uri ng diskriminasyon — sa edad ng tao, lahi, relihiyon, paniniwalang politikal, katayuan sa lipunan, kasarian, sexual orientation, pakikipag­re­lasyon, medical history, lengguwahe, kapan­sa­nan, HIV status, pisikal na katangian at iba pang estado ng tao.

Ang SB 138 na naglalayong siguruhing may sapat na pagkain ang bawat Pilipino sa kabila nang patuloy sa pagtaas ng populasyon sa bansa.

Ang Senate Resolution 3 na ang pangu­na­hing layunin ay magsagawa ng masusing im­bestigasyon sa nabulgar na anomalya, par­ti­kular ang ‘ghost dialysis’.

Ang Senate Resolution 4 na naglalayong isulong at palakasin ang mga produktong Pinoy (made in the Philippines) o ‘Tatak Pinoy’ campaign at ang Senate Bill 131, ang matagal nang pinakahihintay ng mga guro — ang pag­tataas sa kanilang minimum salary grade level.

Lahat ng panukalang ito, prayoridad nating maitulak at maisabatas, pangunahin dito ang salary increase ng mga public school teacher.

May binitiwang pangako si Pangulong Rodrigo Duterte sa mahigit 800,000 public mentors natin tungkol sa salary increase.

Nauna nang nadoble ang sahod ng mga pulis at sundalo kaya siguradong ang mga guro naman ang susunod.

Ito ang nais nating matupad sa lalong ma­daling panahon.

Sa panukala natin, itinutulak nating mapa­talon ng walong baytang ang salary grades ng entry-level ng mga guro.

Ibig sabihin, mula SG-11, hahakbang ito nang SG 19 na nangangahulugang kung ang pinakamababang SG 11, step 1 ay may bu­wanang suweldo na P19, 077, magiging P36, 409 na ito kada buwan.

Sa gobyerno, mayroong ‘parity rule’ na ma­tagal nang sinusunod sa pagpapasuweldo. Rito, ang mga Teacher 1, Police Officer 1, Fire Officer 1, Jail Officer 1 ay pare-pareho ang suweldo at kung isa sa kanila ay tataasan, dapat isunod din ‘yung iba.

Ganyan ang layunin sa isinusulong nating panukalang-batas.

Umaasa tayong sa pagkakataong ito, ma­ibigay ng pamahalaan ang pangarap ng mga guro na mapataas ang kanilang suweldo.

Unang-una, isa ang bagay na ito upang mas marami tayong mahikayat na magturo at maging masigasig sa kanilang propesyon.

Makatitiyak tayong makatutulong ito para maging de-kalidad ang edukasyon sa ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page