Tserman, 3 iba pa todas sa 3 riding-in-tandem
- Jeff Tumbado
- Jul 12, 2019
- 1 min read

APAT katao kabilang ang isang barangay chairman ang nasawi matapos silang pagbabarilin sa Mamasapano, Maguindanao.
Naganap ang pananambang habang sakay sa kotse ang mga biktima sa bahagi ng Notre Dame Avenue sa Cotabato City, kamakalawa.
Ayon kay Police Colonel Portia Manalad, kinilala ang mga napatay na sina Datu Nurodin Mangandian Guiaman, 34, kapitan ng Bgy. Tuka; ang maybahay nitong si Alwaida, 28; barangay treasurer na si Sindatu Agao, at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) member Basser Guiaman, 42.
Si Datu Nurodin ay nasawi habang ginagamot sa ospital habang ang iba pang biktima ay pawang dead-on-arrival. Isa ang rido o away-pamilya ang sinisilip na motibo sa masaker.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nasa anim na armadong lalaki na sakay ng tatlong motorsiklo ang bumuntot at kalaunan ay nagpaulan ng bala sa kotse ng mga biktima.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang dalawang .45 na baril mula sa loob ng kotse na pinaniniwalaang ginamit ng mga biktima para makaganti ng putok.
May na-recover namang 40 basyo ng bala ng caliber .45 at 9-mm pistol sa lugar ng pananambang.
Patuloy pa ang imbestigasyon at follow-up operation ng mga awtoridad para matukoy ang nasa likod ng krimen.





Comments