Mag-BF na Amerikano hinoldap ng rider

HINOLDAP ang magkasintahang American nationals at tinutukan ng patalim ng hindi pa nakikilalang rider, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nagtungo sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police ang mga biktimang sina Liam Dickhardt, 20, ng Breakwater Way, Oxnard, California at ang nobya nitong si Jewel Miller, kapwa estudyante para ipaalam ang nangyaring pagholdap sa kanila.
Ayon kay Pasay City Police Chief Colonel Bernard Yang, nangyari ang panghoholdap sa NAIA Terminal 4, Domestic Road, Bgy. 191, alas-2:20 ng madaling-araw.
Sinabi ni P/Col.Yang, habang naglalakad ang magkasintahan sa nabanggit na lugar nang biglang sumulpot ang motorsiklo na walang plaka sakay ang isang lalaki.
Tumigil sa kanilang harapan ang motorsiklo at agad nagpahayag ng holdap sabay tutok ng patalim na ikinagulat ng dalawang biktima.
Dahil sa nerbiyos at takot ng magkasintahan, ibinigay ang backpack na pilit na hiningi ng suspek kung saan naglalaman ng pasaporte ng dalawa, cellphone, sunglass, P10,000 cash at $200.
Nang makulimbat ang pakay sa dalawang biktima, agad pinaharurot ang motorsiklo patungo sa direksiyon ng Park and Fly sa Mia Road ng lungsod.
Agad nagkasa ng follow-up operation sina S/Sgt. Michael Mendoza, Cpl. Rogelio Lumabao at Pat. Kacson Obando subalit, nabigo ang mga ito na maaresto ang suspek.





Comments