Lola at 10 pa, timbog sa droga

NASA 11 hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang isang lola ang arestado sa buy-bust operation at search warrant sa Valenzuela City.
Sa nakarating na report kay Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, alas-12:30 ng hatinggabi ng Huwebes nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr., ang buy-bust operation sa Ugong sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto kina Ryan delos Santos, 28; Grace Panzuelo, 23; Mark delos Santos, 26; Roberto dela Cruz, 49; Oscar Manlapig, 45, at Ireneo Despi, 58.
Ani SDEU Investigator PSSg. Ana Liza Antonio, nakuha sa mga suspek ang limang sachets ng shabu at ang P200 buy-bust money.
Timbog din ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Msgt. Roberto Santillan ang lola na si Emily Santiago, ganundin sina John Mike Salazar, Narciso Cubos, Gary Cubos at Dave Cubos, sa bisa ng inihaing search warrant kontra sa mga suspek sa Malanday.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana, 13 sachets ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.





Comments