Alamin mula kay Señor... KAALAMAN TUNGKOL SA MGA BAGAY NA DAPAT DALHIN SA BAGONG BAHAY

Bigyang-daan natin ngayon ang email ni Becca ng Rebecca_Aquino@facebook.com
Dear Señor,
Anu-ano ang mga bagay na dapat dalhin sa bagong bahay? Natapos na kasi ‘yung bahay na pinagagawa namin ng mister ko, kaya lilipat na kami.
Nasa Qatar ang asawa ko, medyo maganda ang kita niya kaya nakapagpagawa na kami ng sarili naming bahay.
Ang alam ko, bigas at asin ang unang ipinapasok sa bagong bahay, tama ba ‘yun?
Naghihintay,
Becca
Sa iyo Becca,
Tama ka, iha, bigas at asin ang ilan sa mga unang dapat ipasok sa bagong bahay.
‘Yung bigas at asin ay dapat na nakalagay sa lalagyan, pero ‘yung asin ay dapat na isaboy sa bawat sulok ng bahay na may kasamang dasal na humihiling sa langit nang maginhawang buhay at malayo sa anumang sakit.
‘Yung bigas ay para sa maginhawang buhay at ang asin ay para mawala ang anumang negatibong puwersa o enerhiya na maaaring nasa loob ng bahay.
Kung ipapasok mo lang ang mga ito na hindi mo alam ang ritwal ay mapabibilang lang ito sa mga superstition na ang ibig sabihin ay mga paniniwalang walang basehan kaya ito rin ay matatawag na “blind faith”.
Ang ilan pang dapat gawin ay ang magpapasok ng masasarap na pagkain at magsalu-salo, ito ay ginagawa dahil kailangang salubungin ang bagong kapalaran. Ito ang dahilan kung bakit ang mga tao ay nagpi-fiesta tuwing magpapalit ang takdang panahon.
Pero, alam mo, iha, hindi lang mga tao ang nagsasaya kapag dumarating ang takdang panahon dahil maging ang mga hayop ay sumusunod sa batas na ito ng katalagahan.
Napansin mo ba, masayang nag-aawitan ang mga ibon kapag may darating na magandang panahon?
Napansin mo rin ba na ang mga insekto ay masasayang naghuhunihan kapag matatapos na ang tag-araw na papalitan ng tag-ulan?
Kaya bukod sa kumain ng masasarap na pagkain, ipinapayo rin na magkantahan na parang may kaarawan na ipinagdiriwang.
Ipinapayo rin na magsuot ka ng bagong damit.
Mayroon pang iba, iha, pero ang mga kaalaman na ito ay sapat na para magkaroon kayo ng masaganang kapalaran.
Good luck and God bless!




Comments