Sa loob ng iskul | GRADE 5 UMAKYAT SA PUNO, NAHULOG, PATAY

NASAWI ang isang Grade 5 pupil ng San Ramon Elementary School sa Pamplona, Camarines Sur matapos mahulog sa puno ng duhat sa loob mismo ng kanilang paaralan.
Nitong July 8, nang mamatay ang siyam na taong gulang na si John Llyod Imperial matapos ang dalawang araw sa Intensive Care Unit (ICU) ng Bicol Medical Center.
Batay sa report ng Pamplona Municipal Police, nagkayayaan umano ang magkaklase kabilang ang biktima na umakyat sa puno ng duhat na nasa loob ng compound ng kanilang paaralan.
Habang umaakyat sa naturang puno ang biktima ay nakita ito ng trabahador at kanya itong sinaway.
Gayunman, hindi umano ito nakinig at tumuloy lang sa pag-akyat sa may 27 talampakang taas na puno.
Sa imbestigasyon, biglang nabali ang sanga na kinakapitan ng bata at tuluyang nahulog at padapang lumagapak sa lupa. Dahil sa tindi ng pagbagsak, naratay ito ng ilang araw sa ospital bago tuluyang binawian ng buhay.
Samantala, kahapon ang ikasampung kaarawan ng bata na ipinagdiwang ng kanyang mga kaanak at mga kaklase.





Comments