Chinese na umihi sa pader at nanapak ng tanod, lagot

INIIMBESTIGAHAN na ng Bureau of Immigration (BI) ang Chinese national na nahuling umiihi sa pader at nanapak ng tanod noong July 8.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, natanggap na nila ang pormal na reklamo at rekomendasyon ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ipa-deport ang dayuhan na kinilalang si Chito Villaluz Keng, 45.
Una nang ipinag-utos ni Domagoso na sampahan ng kaukulang kaso ang dayuhan kasabay ng panawagan nito sa lahat ng mga foreign national na kilalanin at igalang ang mga umiiral na batas sa lungsod.
Matatandaang, naiulat na nahuli ng isang tanod ang Chinese national na si Keng na umiihi sa pader. Ikinagalit pa ni Keng ang pagsita sa kanya ng tanod at sinapak ito.
Binigyang-diin na hindi lamang deportasyon ang hangad kay Keng kundi tuluyan itong i-ban sa bansa.





Comments