Mga sintomas at paraan ng paggamot sa buni
- BULGAR

- Jul 10, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mayroon akong napansing kakaiba sa aking balat. Nagkakaroon ito ng bilug-bilog at mapula na nakaalsa o parang namamantal. Saan ba ito nakukuha, nakahahawa ba ito at mayroon ba akong puwedeng ipahid dito? Salamat. — Wendy
Sagot
Ang buni o ringworm ay sakit sa balat na tulad ng an-an na dulot ng fungal infection. Ito ay maaaring matagpuan sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula ulo hanggang paa. Ang buni ay karaniwan sa mga matatanda. Ayon sa pag-aaral, mahigit na 20% ng mga tao sa mundo ay may buni. Ang mga hayop tulad ng aso at pusa ay maaari ring magkaroon ng buni.
Ano ang sintomas ng buni?
Mga bilog na patse ng balat (round skin patches), kulay pula na mas matingkad ang kulay sa palibot, bahagyang nakaangat sa balat, ganito ang tipikal na anyo ng buni. Ito ay makati, lalo na kung nasa singit kung saan ito ay tinatawag na jock itch.
Ano ang gamot sa buni?
Tulad ng an-an, ang gamot sa buni ay mga fungal cream. Ang mga gamot na ito ay maaaring mabili na “over-the-counter” o hindi nangangailangan ng reseta ng doktor. Ipahid ang cream sa apektadong bahagi ng balat ngunit, maganda kung magagabayan pa rin ng dermatologist ang paggagamot. Halimbawa nito ay ketoconazole, clotrimazole, terbinafine atbp. Kalimitan, ito ay ipinapahid nang dalawang beses sa isang araw sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Kapag malawak na bahagi ng balat ang apektado, maaaring mas praktikal na uminom na lamang ng anti-fungal medications. Magpagabay sa dermatologist sa wastong pag-inom ng mga gamot na ito.
Narito ang ilan sa mga paraan upang maiwasan ang buni:
panatilihing malinis ang katawan
palaging maghugas ng mga kamay
ugaliing palitan ang mga tuwalya, kumot at tela sa kama
iwasang maghiraman ng damit at humawak sa mga aso na nakakalbo ang mga balahibo
Gayunman, kumonsulta sa dermatologist o espesyalista sa balat kung hindi sigurado sa kondisyon ang nasa balat ng pasyente at kung hindi tumatalab ang mga fungal cream laban sa buni. Maaaring magreseta ang dermatologist ng mas matapang na cream o tableta na iniinom.





Comments