top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Ang kalye ay daanan, hindi tindahan

Isko Moreno
Jul 10, 2019
2 min read

NAGING maaksiyon at masalimuot ang unang limang araw ng ating panunungkulan bilang alkalde ng Maynila. Naging laman tayo ng mga balita sa radyo, peryodiko, telebisyon at maging sa social media. Marami tayong papuri at pasasalamat na natanggap ngunit, mayroon ding mga batikos, lalo na sa mga naapektuhan ang ating isinagawang kampanya na linisin ang Lungsod ng Maynila.

Hindi sa binabalewala natin ang mga papuri at magagandang salita na ating natatanggap, pero sa ating palagay, dapat nating pahalagahan at pasalamatan ang mga taong tunay na nagtatrabaho at nagsasakripisyo upang maitaguyod ng maayos ang ating kampanya. Dapat nating pasalamatan ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, ang DPS, ang mga opisyal ng barangay, kapulisan at pamunuan ng DILG at PNP, lalo na sa mga pobre nating mga kababayan na direktang apektado sa kampanyang ito.

Sila ang dapat umani ng pasasalamat at pagkilala. Walang kakaiba o extra-ordinaryo sa ginawa natin. Parte lang ito ng ating trabaho at wala pa halos sa kalingkingan ng mga suliraning patuloy na hinaharap ng lungsod.

Hindi ito madali para sa atin dahil karamihan sa mga naapektuhan ay ang mga pobre nating kababayan na talagang tatamaan ang kanilang hanapbuhay ngunit, sa kabila naman nito ay ang perhuwisyong naidudulot sa mamamayan at mananakay. Bilang taong-gobyerno, tungkulin nating balansehin ito. Ang kalye ay daanan, ito ay para sa mga mananakay at upang maging maganda ang daloy ng trapiko at hindi tayo nagtayo ng daan at kalye upang gawing tiangge o tindahan.

Gayunman, tungkulin nating pangalagaan ang kapakanan ng nasabing mga vendor, lalo na ‘yung totoong mga taga-Maynila. Kasalukuyan nating pinag-aaralan ito kung saan sila ay makapamumuhay ng hindi nakapeperhuwisyo sa iba nating kababayan. Tayo ay patuloy na naghahanap ng tinatawag nating “win-win” solusyon sa suliraning ito.

◘◘◘

Nais nating magpasalamat sa BULGAR sa pangalawang pagkakataon na mabigyan ulit tayo ng espasyo sa pahayagang ito. Malaking tulong ito na maipaabot natin sa ating mga kababayan ang ating mensahe, personal man o bilang opisyal ng gobyerno at upang marinig ang kanilang mga boses at hinaing.

Maraming salamat at pagpalain nawa tayo ng Panginoon!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page