Panawagan sa pamahalaan, tubig-ulan, gawing mas kapaki-pakinabang!

DAHIL sa krisis sa tubig, iba’t ibang paraan ang ating naiisip sa kasalukuyan kung saan isinusulong na rin ang panukala para mapakinabangan ang tubig-ulan dahil sa madalas na pagbuhos nito, kamakailan.
Gayunman, bukod sa naglalayong mapakinabangan ang tubig-ulan sa Senate Bill 36, makatutulong din umano ito upang maiwasan ang kaliwa’t kanang pagbaha sa bansa.
Sa katunayan, sa nasabing panukala, maaaring magamit na patubig sa mga lungsod at bayan ang tubig-ulan, gayundin, sa pag-apula ng sunog, pagdidilig ng halaman, pagpa-flush sa kubeta at paglilinis ng sasakyan.
Dagdag pa rito, ninanais din nitong magkaroon ng Rainwater Management Plan ang mga commercial, industrial at residential developer bilang bahagi ng site development application.
Kaya inaatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maghanda ng rainwater design manual habang ang mga city o municipal engineer naman ang susuri sa mga gagawing pasilidad para mapakinabangan ang tubig-ulan.
Sa totoo lang, maraming magagawa sa tubig-ulan kung magiging resourceful ang lahat, pero bukod dito, iba pa rin ang pagiging disiplinadong tao kung saan kahit walang batas para rito ay magiging wais tayo sa paggamit ng mga bagay na nakukuha natin sa kalikasan.
‘Ika nga, disiplina at diskarte lang, sapat na!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments