Bago ang peace talks | KOTSE PINASABOG 14 PATAY, 180 SUGATAN
PATAY ang 14 katao habang sugatan ang mahigit 180 iba pa sa naganap na pag-atake sa Central Afghanistan.
Ayon sa mga awtoridad, pinasabog ng grupong Islamist Taliban ang car bomb malapit sa opisina ng intelligence service at National Directorate for Security (NDS) sa Ghani City.
Gayunman, ayon sa health officials, kabilang sa mga nasawi ang anim na sibilyan at walong miyembro ng NDS.
Nasugatan naman ang 180 katao kabilang ang 60 estudyante sa malapit na eskuwelahan nang tamaan ng sirang mga bintana at pintuan.
Ayon kay Health Director Zahei Shah Nekmal, maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi at nasugatan dahil hindi pa umano ito ang huling ulat na natatanggap ng kanilang opisina,
Samantala, sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita ng Taliban na si Zabihullah Mujahid, inako nito ang responsibilidad sa pambobomba,
Naganap ang pag-atake ilang oras bago magsimula ang pagpupulong sa Qatar ng mga pinuno ng Taliban at mga delegado ng Afghanistan para pag-usapan ang pagpapaigting ng kapayapaan sa bansa.





Comments