Babala ng FDA | HIV, HEPA C AT B SA GLUTA DRIP

NAGBABALA sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) patungkol sa panganib ng paggamit ng injectable lightening agents tulad ng glutathione.
Tinukoy ng FDA ang patok sa publiko ang pag-aalok ng ilang health at beauty salons, wellness spa at beauty clinics ng lahat ng uri ng serbisyong pampaganda at pampaputi tulad ng gluta at vitamin C na idinadaan sa injection o mas kilala sa tawag na Gluta drip.
Ayon sa FDA, wala pang nailalathalang clinical trial patungkol sa paggamit ng injectable glutathione para makapagpaputi ng balat.
Hindi rin umano aprubado ng FDA ang anumang injectable products na pampaputi at ang pinapayagan lamang ay ang paggamit nito sa cisplatin chemotherapy.
Nagbabala pa ang FDA sa mapanganib na epekto ng injectable glutathione tulad ng sakit sa atay, bato at nervous system gayundin ang posibilidad na magkaroon ng Stevens Johnson Syndrome.
Binanggit pa ng FDA ang panganib na magkaroon ng HIV, hepatitis C at B lalo na kung hindi matatawag na medical practitioner ang magtuturok nito at ginagawa sa non-sterile facility.





Comments