SAN MIGUEL VS. MILKMEN SA UNTV CUP TITLE SHOWDOWN


UMPISA na ang pag-aagawan ng San Miguel Beer at Alaska sa titulo ng UNTV Cup PBA Legends Faceoff ngayong araw sa harap ng jampacked- crowd sa Smart Araneta Coliseum.
Magsasagupa ang Beermen at ang Milkmen ng 8 p.m. kung saan pakay ng una na walisin na ang four-team tournament na inorganisa ni UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon sa tulong ng PBA Legends Foundation na pinamumunuan ni dating Crispa star Atoy Co.
Malaki ang tiwala ng San Miguel sa sarili nilang kakayahan dahil na rin sa nawalis nila ang elims, kabilang na ang 76-61 na pagkapanalo sa Milkmen – salamat sa matutulis na tres puntos ni Allan Caidic.
Magsasagupa naman ang Crowd-favorite Ginebra at Purefoods para sa third place ng 6 p.m. Sinabi ni Razon na ang pinagsamang premyo ng torneo ay nagkakahalaga ng P2 million kung saan ang P1 million ay para sa champion, P500,000 sa runner-up, at ang P300,000 at P200,000 ay para sa third at fourth placers ayon sa pagkakasunod na mapupunta sa Legends Foundation.
Libre ang General admission sa publiko. Bubuksan ang gate ng 3 p.m. kung saan si PBA Commissioner Willie Marcial ang inaasahang magbubukas ng event at saksi para sa mga matutulungang PBA players.
Isinelyo ng San Miguel at Alaska ang title showdown nang gapiin ang kani-kanilang semis rival kung saan ang SMB ay umiskor ng 79-70 kontra Hotdogs na pinamunuan ni Alvin Patrimonio habang binasag ng Milkmen ang Gin Kings, 84-69 kahit na pito lamang ang kanilang players.
Abangan din ang dagdag na SMB-Alaska rivalry showdown sa pagitan nina Johnny Abarrientos ng Milkmen at Olsen Racela ng Beermen. (MC/ATD)





Comments