Pulis, na-video na nagmumura at nagbabanta, sibak

SIBAK sa puwesto ang isang pulis ng San Juan City, na makikita sa isang viral video na kinukompronta ang isang lalaki sa loob ng karinderya matapos na umano’y sapawan siya habang bumibili ng pagkain, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay NCRPO Director P/MGen. Guilllermo Eleazar, sinibak niya sa puwesto si P/SMS Arnulfo Ardales, na nakatalaga sa Police Community Precinct 3 ng San Juan City Police dahil sa misconduct.
Pansamantala muna aniyang ililipat si Ardales sa District Headquarters Support Unit (DHSU) ng Eastern Police District (EPD) habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.
Una rito, kumalat ang video kung saan makikita si Ardales na kinukompronta ang complainant na si Aaron Estrada, 21, sa loob ng karinderya sa Aurora Boulevard, alas-11:00 ng gabi nitong Sabado.
Sa viral video ay tila nabastusan si Ardales nang habang bumibili siya ay pumasok si Estrada at dumukwang sa tindahan upang bumili rin sana.
Agad na sinita at pinagsalitaan ng pulis ang biktima nang aniya ay ‘sapawan’ siya nito. Pinagmumura, dinuro at pinagbantaan pa ng suspek na aarestuhin at mamarkahan ang complainant.
Sa huli ay hindi na bumili ang pulis at galit na umalis nang mag-sorry ang biktima.
Lingid sa kaalaman ng pulis ay may nakakuha pala ng video ng kanyang ginawa at nang mag-viral ito na nakaabot sa kaalaman ni Gen. Eleazar.





Comments