KATROPA, MATIBAY SA TOP SPOT VS. ELITE


TUMIBAY ang kapit ng TNT KaTropa sa top spot matapos nilang pagulungin ang Blackwater Elite, 115-97 kagabi sa PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum. Nangalabaw si import Terrence Jones ng 36 points, 16 rebounds at 14 assists upang tulungan ang KaTropa sa paglista ng 9-1 karta at makasiguro sa top two teams pagkatapos ng 12-team single round robin.
Ipinaramdam agad ng KaTropa ang kanilang lakas sa unang dalawang periods, hinawakan nila ang 17-point lead, 60-43 sa halftime.
Humarurot agad ng 9-0 run ang Elite sa pagbubukas ng third canto pero hindi nataranta ang TNT, hawak pa rin nila ang malaking bentahe, 91-66 papasok ng fourth. Samantala, impresibo ang unang laro ni National Basketball Association, (NBA) first-round draftee Chris McCullough sa PBA matapos nitong akbayan ang San Miguel Beer sa 109-105 panalo kontra NLEX Road Warriors noong Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Kumana ng mga three-pointers at malulutong na dunks ang replacement import na si McCullough upang ilista ang 47 points.
Uminit ang opensa ni 2015 No. 29 NBA draft selection, McCullough sa third period, sumalpak ng tatlong sunod na tres upang umalagwa at hawakan ang malaking bentahe papasok ng fourth period. Nakalasap ng pisikal na laro si McCullough, pero ayon sa kanya ay sanay siya sa ganu’n na laro.
“I’m from New York, that’s nothing to me. I’ll just be out there playing hard,” saad ng Bronx native, McCullough. “We’re gonna keep winning games, keep going as we try to win the championship,”
Muling makikilatis si McCullough sa Miyerkules kontra Phoenix Fuel Masters sa alas-7 ng gabi habang magtatapat sa unang laro ang Rain or Shine Elasto Painters at Magnolia Hotshots sa alas-4:30 ng hapon. (ATD)





Comments