top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

‘Pag binigyan ng katungkulan ng taumbayan | Opisyal, wala nang arte-arte o kadramahan, dapat work ag

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 8, 2019
2 min read

NAKAPAGBIBIGAY-PAG-ASA sa ating bayan ang pagkahalal kay Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, mas kilala bilang Mayor Isko Moreno.

Isipin ninyo, marami sa bagong halal na opisyales ay nagdiriwang pa lang ng kani-kanilang pagkapanalo, nagbubuo ng staff o nag-aaral pa lang kung paano patatakbuhin ang opisina, samantalang, si Mayor Isko, ang dami nang nagawa sa unang linggo pa lang niya sa puwesto.

‘Yan ang tinatawag na “hit the ground running”. Ibig sabihin, kung binigyan ang tao ng katungkulan, wala nang arte-arte o ka­dramahan, trabaho agad!

Unang araw pa lang, pinulong na niya ang kapulisan ng Maynila at idiniin niya sa kanila na umaasa siyang matindi dapat ang kanilang paglaban sa mga kriminal, iligal na droga, iligal na pasugalan at iba pa.

Importante ang ganyang pagpupulong ng kapulisan sapagkat maitatanim sa kanilang isipan na seryoso ang bagong mayor, bina­ban­tayan sila kung palpak ang kanilang trabaho o hindi.

Sa mga sumunod na araw, nalinis ang Blumentritt at Divisoria sa mga sidewalk vendor na halos sakupin ang daan kaya walang makaraan o siksikan ang mga mamimili at talagang nakapagdudulot ng matinding trapik.

Marahil, alam nating hindi malinis-linis ng mga nakaraang administrasyon ang mga lu­gar na ito sa dalawang dahilan.

Una, dahil sa nangyayaring suhulan, ba­wat vendor ay ‘may abot’ daw na P150 kada araw. Isipin ninyo, kung libu-libong vendor ang nagbabayad nito, malamang, milyones din ang aabutin.

Nasabi rin mismo ni Mayor Isko ang tungkol sa milyones sa nasabing ‘suhulan’.

Nakabibilib ang sinabi ni mayor tungkol dito, “kaya kung bumalik ang mga illegal vendor, eh, tiyak nasuhulan ako!”

Pangalawang dahilan, palaging sinasabi ng mga nagpapahintulot sa mga illegal ven­dor na pabayaan na lang daw sila at malaki ang boto ng mga ito, pero mukhang walang pakialam si Mayor Isko sa mga ganitong pa­hayag, ganyan ang lider, may paninindigan!

Sa ilang araw pa lang na nasa puwesto, nagpakitang-gilas agad si Mayor Isko ng pamumuno sa Lungsod ng Maynila.

Winasak niya ang mga iligal na video karera kung saan nalululong ang mga tao at ginagawa pang prente ng pagtinda ng shabu.

Pinuntahan niya ang Manila Zoo na noong panahon ni dating Mayor Villegas ay mai­pagyayabang na ‘zoo sa Asya’ at gagawa raw siya ng paraan kung paano maibabalik sa dating ganda ang zoo na ito.

Inanunsiyo niya na bawat “bidding” para sa kontrata ng siyudad ay mapanonood ng sinumang interesadong tiyakin na walang kalokohan dito sa pamamagitan ng ‘live strea­ming’ sa internet.

Grabe raw ang lagay ng Maynila noong panahon ni dating Mayor Estrada, matanda na talaga siya, babagal-bagal at hindi naki­kita ang lumaking katiwalian ng mga opisyal sa siyudad.

Kung iisipin natin ang magandang pag­babago sa Lungsod ng Maynila na kung ga­nito ang ginagawa ng bawat mayor at go­bernador sa Pilipinas, maniwala kayo, ilang taon lang, uunlad ang ating bayan ka-level ang Singapore o South Korea.

Anumang kapalpakan ng pangulo o ad­ministrasyon basta magaling at hindi ma­ngungurakot ang mga opisyal ng lokal na administrasyon, uunlad at makararanas pa rin ng magandang pagbabago ang ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page