Condo na drug den ni-raid | BEYBI, PANG-COLLATERAL SA DROGA, BUKING

ANIM katao na mga hinihinalang drug pusher at user ang arestado sa isang condominium unit na nagmistula umanong drug den sa ginawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency-Special Enforcement Unit sa Mandaluyong City, kahapon ng madaling-araw.
Kabilang naman sa nasagip sa operasyon ang limang buwang sanggol na hinihinalang ginamit umano ng mga suspek bilang pantubos sa mga magulang.
Kabilang sa naaresto si Dustin Catolico, isang engineer na pangunahing target ng operasyon at isang buwang minanmanan ng PDEA.
Nakuha sa operasyon ang ilang pakete ng hinihinalang shabu na nasa mahigit 100 gramo na nagkakahalagang mahigit P700,000, drug paraphernalias at walong bala.
Ayon sa PDEA, posibleng biktima ng kidnapping ang sanggol nang umamin ang mga suspek na hindi nila anak ang bata. Posible ring ginagamit umanong collateral sa droga ang sanggol saka ipatutubos sa mga magulang.
Todo-tanggi naman si Catolico na sa kanya ang mga hinihinalang droga at iginiit na hindi siya nagtutulak pero, aminadong gumagamit ng droga.
Inamin din nitong nagtutungo sa condo ang mga kaibigan na kasamang naaresto para gumamit ng droga.
Dati nang nakulong sa droga ang suspek na si Ilah Dalimbang pero, nayaya lang umano na makipag-inuman.
Itinanggi ng mga suspek na tinangay nila ang bata o nagbalak silang ibenta ito. Inihabilin lang umano ito sa isa sa mga suspek na si Villarivera. Iti-turnover ng PDEA ang sanggol sa Department of Social Welfare and Development.
Makikipag-ugnayan din sila sa NBI at pulisya para masampahan ng kasong human trafficking ang mga suspek.





Comments