Sa mga kulang pa sa self-confidence riyan... 6 THINGS PARA HINDI MATAKOT MANINDIGAN

BAWAT isa ay mayroong mga ipinaglalaban, bagama’t, madalas, ang ating ideya ay iba sa ating kapwa, sa huli, ang taong kayang panindigan ang kanyang mga salita ang mas umaangat o nananalo. Sa ganitong sitwasyon, narito ang ilang paraan para matutunan nating tumayo o manindigan sa ating sarili:
1. YOU DON’T HAVE TO APOLOGIZE. Sa totoo lang, walang masama sa pagpapakumbaba, pero tandaan, hindi sa lahat ng pagkakataon ‘yun ang dapat gawin. Iwasan nating isipin na ang paghingi ng tawad ang paraan para matapos kaagad ang usapan. Subukan nating magpaliwanag, pero siguraduhin nating hindi baluktot ang ating katwiran.
2. SEE THE OTHER SIDE. Huwag tayong masanay na palaging sarili lang ang ating iniintindi, indikasyon ito ng pagiging makasarili. Hindi porke gusto nating mag-stand-up, mang-aapak na tayo ng iba. Makabubuti na timbangin ang ideya ng isa’t isa dahil marami tayong matututunan dito na makatutulong sa pagpapaunlad ng ating sarili.
3. LEARN TO SAY “NO”. Hindi tayo dapat masanay na palaging sumasang-ayon sa sasabihin ng iba. Kung sa tingin natin ay mali ito, kailangan nating manindigan sa bagay na tama. Huwag tayong matakot kumontra sa sasabihin nila, lalo na kapag alam nating makaaapekto ito sa atin.
4. WHEN SOMEONE ATTACKS, WAIT THEM OUT. Sabi nila, habang tumatagal na nakakasama natin ang tao, mas nakikilala natin ito. Maging ‘good observant’ tayo, dapat alam natin kung paano gumalaw ang mga tao sa ating paligid. Hangga’t maaari, huwag natin silang pangunahan, mag-set tayo ng limitasyon sa pagpapasensiya, pero kapag na-meet nila ‘yun, panahon na para magsalita at ipagtanggol ang ating sarili.
5. CHOOSE YOUR BATTLES. Kung ang lahat ng tao o sitwasyon ay papatulan natin, baka magmukha tayong ‘war freak’ at mataas ang tingin sa sarili. Makabubuti kung marunong tayong humanap ng tamang timing, hindi ‘yung sa tuwing tini-trigger tayo, makikipagsagutan kaagad tayo para lang masabing palaban.
6. FAKE IT TILL YOU MAKE IT. Tandaan, ang pagkakaroon ng paninindigan sa sarili ay hindi natin magagawa nang overnight lang. Mahabang panahon bago natin ito makasanayan, kaya habang hindi pa natin ito gamay, i-‘fake’ muna natin hanggang sa maging natural na lang sa atin ang ganitong ugali.
Palagi nating tatandaan na gaanuman ka-competitive ang ating mga nakasasalamuha, hindi tayo dapat mawalan ng kumpiyansa sa sarili, huwag tayong matakot manindigan.
Copy?





Comments