PASIG CHOOKS, SISIKAPIN NANG MAKARESBAK SA FIBA 3X3 FRANCE
- A. Servinio
- Jul 5, 2019
- 1 min read

SUSUBUKAN ngayong gabi ng Pasig Chooks na wakasan na ang sunud-sunod na pagkabigo ng Pilipinas sa pagsimula ng FIBA 3X3 Challenger sa Poitiers, Pransiya.
Hindi pa nakakatikim ng tagumpay ang mga Pinoy sa mga Challenger na nilahukan nila sa Kunshan, Tsina at Moscow, Rusya sa mga nakaraang buwan. Unang sasabak ang mga Pinoy sa ika-11:30 ng gabi, oras sa Pilipinas, kontra sa koponang Pranses na manggagaling sa qualifying round.
Susundan ito ng laban sa Lausanne ng Switzerland sa ganap na alas-2:30 ng madaling araw ng Sabado.
Hindi magbabago ang koponan ng Pasig at mananatili sila sa subok na kombinasyon nina Dylan Ababou, Joshua Munzon, Taylor Statham at Nikola Pavlovic. Umalis ang apat noong Martes para sa halos 14 oras na biyahe. Kung papalarin, makapapasok sila sa FIBA 3X3 World Tour Masters sa Lauanne ngayong Agosto 23.
Maaalala na naglaro ang Pasig at kapwa Pilipinong koponan na Balanga Chooks sa unang yugto ng World Tour sa Doha, Qatar noong Abril kung saan, ginulat ng mga baguhan ang mga beteranong kalaban sa pagtatapos ng ika-lima at ika-anim na puwesto sa 12 koponan pero, hindi na ito nasundan. Mahalaga na makapasok ang Pasig sa Lausanne para bumuti ang tsansa sa Grand Finals ng World Tour sa Utsunomiya, Japan sa Nobyembre.
Ang Lausanne ang pang-anim sa 11 torneo na gaganapin para malaman ang 12 papasok sa huling yugto.
Dahil sa mga laro sa Pransiya, hindi makasasali ang Pasig sa ikatlong yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 Patriot’s Cup na handog ng Coca Cola ngayong Sabado, Hulyo 6, sa SM Center Muntinlupa.
Pansamantalang papalitan sila ng isang sorpresang guest team para mabuo ang isang dosena.





Comments