JAWORSKI, PARARANGALAN ANG GINEBRA 3X3 CHAMPION


MISMONG si Barangay Ginebra legend Robert Jaworski, Sr. ang magbibigay ng parangal sa magiging kampeon ng Ginebra 3x3 Tapang ng Tatluhan basketball tournament sa darating na Linggo, Hulyo 7 sa Araneta Coliseum.
Ang mananalo sa naturang torneo ay makakukuha ng cash prize na P250,000 at tropeo. Ang Ginebra 3x3 Tapang ng Tatluhan ang kauna-unahang nationwide grassroots basketball program ng Ginebra San Miguel at ng Philippine Basketball Association (PBA) para humanap ng basketball talents sa buong bansa.
Mas mahalaga ang torneo dahil ang 3x3 event ay kasama na sa 2020 Olympics. Labing-anim na teams mula sa Manila, Cebu, Davao, Caloocan, Quezon, Iloilo, Bulacan, Cagayan de Oro, Tarlac, Cavite, Samar, Rizal, Pangasinan, Batangas, Bataan at Pampanga ang lalaban sa national finals sa Hulyo 5 sa Robinsons Place Manila.
Ang top two teams ang papasok sa championship round.
Maliban sa 3x3 tournament, magkakaroon din ng slam dunk competition at 3-point shoot-out sa National Finals.
Bawat kampeon ay magkakaroon ng P10,000 cash prize at trophy.
Sa anumang impormasyon, tumunghay sa Ginebra San Miguel official Facebook page www.facebook .com/barangayginebra o website www.ginebra. com.ph.
Magkakaroon din ng meet and greet sa exhibit area kung saan makasasalamuha ng mga fans sina players Stanley Pringle, LA Tenorio at Mark Caguioa. Makikita rin ang iba’t ibang jersey ng team. (MC)





Comments