3 dayuhan huli sa mga pekeng dokumento

TATLONG dayuhang transit passengers ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa mga pekeng dokumento.
Sila ay magkakahiwalay na nahuli sa NAIA Terminal 2 noong June 28 at 29 habang nagta-transit sa Maynila patungong ibang bansa.
Ayon kay BI-Port Operations Division Chief Grifton Medina, ang mag-asawang Palestinian na sina Yousef Hillies at Nour Muamar ay hinarang noong Martes ng gabi habang tinangkang sumakay sa flight patungong Malaysia gamit ang fake na United Arab Emirates passport na may dispalinghadong Philippine Immigration arrival at departure stamps.
Samantalang, ang Senegalese national na si Fallou Thiam ay napabalitang sinubukang magtungo sa Canada noong Miyerkules ng umaga na peke ang Canada visa sa kanyang passport.
Ayon kay BI Travel Control and Enforcement Unit Chief Timotea Barizo, umamin ang mag-asawang Palestinian na nakuha umano nila ang fake UAE passports sa halagang UD$10,000.
Dagdag pa ni Barizo, ang mag-asawang nakatira sa Malaysia ay kararating lamang sa NAIA mula sa Fiji kung saan nanatili sila ng 20 araw pero, hindi sila pinayagang makasakay sa flight na papuntang New Zealand, ang bansang dapat nilang pupuntahan.
Habang ang Senegalese ay umamin na nabili niya ang Canada visa sa isang kaibigan na nagtatrabaho sa Camadian Embassy sa Senegal.
Sila ay agad na pinaalis ng BI saka inilagay sa blacklist upang hindi na makabalik pa ng Pilipinas.





Comments