Mga oportunidad na ibinibigay ng homeschooling sa mga mag-aaral, gamitin at sulitin!


ANG home study program o homeschooling ay legal at alternatibong programa ng pag-aaral na angkop sa mga estudyante na nagnanais o kinakailangang mag-aral sa loob lamang ng kanilang tahanan o sa ibang lugar bukod sa paaralan.
Sa pamamagitan nito ay tinutugunan ang iba’t ibang pangangailangan nito tulad ng estilo ng pagkatuto, mayroong espesyal na kondisyon at may ibang mahalagang pinagkakaabalahan.
Nakasaad sa Department of Education (DepEd) Memo No. 216 s. 1997 o ang tinatawag na Home Education Program na may kalayaan ang estudyante na lumipat mula sa tradisyunal na set-up sa paaralan patungong homeschooling sa anumang accredited school ng DepEd.
Itinuturing ng mga guro na mabisa ang homeschooling dahil naaayon ang pag-aaral sa bilis, kakayahan at katangian ng bawat estudyante na naka-enroll sa ganitong programa.
May mga magulang din na pinipili na sila ang mismong magturo sa anak at ang pagtuturo ay base sa kahandaan at lebel ng kasanayan ng kanilang anak.
Upang maisakatuparan ito ay nakikipag-ugnayan ang mga magulang sa DepEd upang i-enroll sila sa publiko o pribadong paaralan na may ganitong programa upang maitugma ang pamamaraan ng pag-aaral, kurikulum, aklat at school supplies sa pamantayan ng DepEd.
Ngunit, may iba na nag-aalala kung makakukuha ang mga batang homeschooled ng pagsusulit tulad halimbawa ng National Career Assessment Examination (NCAE), National Achievement Test (NAT), Philippine Educational Placement Test (PEPT) at Accreditation and Equivalency (A&E) Test.
Ang totoo, maaaring kumuha ang mga mag-aaral ng mga nabanggit na pagsusulit sa eskuwelahang kanilang kinabibilangan.
Sa usaping kolehiyo naman, matatandaang, noong 2000, inumpisahan ng CHED sa ating bansa ang paggamit ng konsepto ng distance education at open learning na napakikinabangan ngayon ng mga estudyante sa pamamagitan ng tinatawag na open university.
Kapag sinabing distance education, ito ay modelo ng edukasyon kung saan hindi magkasama ang guro at estudyante.
Habang ang open learning naman ay konsepto ng pag-aaral ng estudyante na hawak ang kanyang oras, lugar at bilis ng pagkatuto.
Isa ang University of the Philippines (UP) sa mga kolehiyong mayroong open university kung saan home study ang sistema ng pag-aaral nito.
Ang estilo ng pagtuturo at pag-aaral dito ay nakalaan para sa mga estudyanteng may mga trabaho o may mga pisikal na kalagayan.
Mayroon itong tatlong undergraduate degrees, 13 post-baccalaureate diplomas, 12 masteral programs at dalawang doctoral degree courses.
Sa kabilang banda, mayroon din ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng parehong sistema na tinaguriang Pamantasang Bayan.
“Online classroom” ito kung tawagin dahil nakikipagtalastasan ang mga estudyante sa kanilang guro at kapwa mag-aaral sa pamamagitan ng computer.
Ang Institute of Non-Traditional Study Program at Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation (ETEEAP) ay self-study program na tumatanggap ng mga mag-aaral na nais makumpleto ang undergraduate at graduate degree nito habang nagtatrabaho.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa napakaraming alternatibong paraan na makapag-aral sa loob o labas man ng paaralan.
Patunay ito na walang anumang dahilan para hindi makamit ang pinapangarap na edukasyon. Gamitin at sulitin ang oportunidad na ibinibigay sa homeschooling.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments