Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG MAKAPAG-ABROAD KUNG MAGSUSUMIKAP


KATANUNGAN
Ang una kong tanong ay kung makapag-a-abroad ba ako? Sa kasalukuyan ay nandito ako sa Maynila at nakikitira sa kaibigan ko. Galing ako ng Marinduque at matagal na ako rito sa Maynila, pero wala pa ring nangyayari sa pag-a-apply ko sa abroad. Iniisip kong bumalik sa probinsiya at aasikasuhin ko na lang ang bukid namin du’n. Ano ang masasabi ninyo sa aking career at saan ako higit na aasenso, sa probinsiya o sa abroad?
Pangalawa, tungkol sa aking Fate Line na madalas kong mabasa sa inyong mga artikulo. Nais kong malaman kung ano ang kahulugan ng Fate Line na nag-umpisa sa Life Line? Ganyan kasi ang Fate Line sa guhit ng aking mga palad.
Sana, bago ako bumalik sa probinsiya, mabasa ko ang inyong kasagutan. Kung makapag-a-abroad ako o dapat na akong umuwi sa Marinduque?
KASAGUTAN
Hinggil sa tanong mo kung ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line F-F, (arrow b.) ay nagsimulang nakadikit sa Life Line (L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad?
Ganito ang ibig sabihin niyan: Ang Fate Line na tinatawag din nating Career Line na nagsimulang nakadikit sa Life Line (arrow a. at b.) ay tanda na sa sarili mong diskarte at pagsisikap, makakaya mong mag-isa na maiahon ang iyong kapalaran sa kahirapan. Ibig sabihin, kadalasan ang ganyang mga Fate Line (arrow a. at b.) ay matatagpuan sa indibidwal na dating mahirap o sobrang hikahos sa buhay na nagawa niyang paunlarin o payamanin ang kanyang pamilya. Gayunman, darating ang saktong panahong makakaya mong maiahon sa kahirapan ang iyong pamilya na nasa probinsiya.
Dagdag pa rito, sinasabi ring ang ganyang Fate Line (arrow a. at b.) ay ehemplo ng tipikal na kuwento ng indibidwal na nanggaling sa mahirap na angkan, ngunit, dahil sa kanyang masidhing pagsisikap, nagawa niyang paunlarin ang sarili niyang buhay, gayundin, ang buhay ng kanyang mga magulang at mga kamag-anak sa malayong probinsiya na kanyang pinagmulan.
Ibig sabihin, makararanas ka ng “hardwork” na tinatawag o hindi biru-birong pagsisipag hanggang sa bandang huli, matapos kang api-apihin ng mga nakapaligid sa iyo ay makakamit mo rin ang maunlad at masaganang pamumuhay (H-H arrow c.), lalo na kung ikaw ay may “well-pronounced” o kapansin-pansing nunal sa kanan o kaliwang bahagi ng iyong mukha.
Sadyang kinumpirma at pinatunayan ang nasabing pag-aanalisa sa itaas na makaaahon ka sa kahirapan at maiaahon mo rin sa kahirapan ang iyong mga magulang, kapatid at kamag-anak sa inyong probinsiya sa Marinduque ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad na kinumbinasyunan pa ng straight o tuwid na Head Line (H-H arrow c.).
Tanda na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, makapag-a-abroad ka at sa sandaling ganap ka ng nakalayo sa sinilangan mong bayan, itatala ang sunud-sunod mong suwerte at tagumpay sa buhay hanggang sa tuluy-tuloy ka nang umunlad at yumaman.
DAPAT GAWIN
Ganu’n nga ang mangyayari sa iyong tadhana, Elsa, makapag-a-abroad at makapagnenegosyo ka sa malayong lugar upang sa iyong pagbabalik sa probinsiya, magugulat sa iyo ang mga kamag-anak at kakilala mo dahil maunlad na maunlad na ang inyong kabuhayan na magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2020, sa edad mong 32 pataas kung saan makapag-a-abroad ka at sa sandaling nakapag-abroad ka na, lilipas ang ilang mga taon pa, pagtuntong mo sa edad na 50 pataas, sa taong 2038, pagbalik mo sa inyong probinsiya, mayamang-mayaman ka na!




Comments