Gobyerno ng China, 'di payag sa third party sa imbestigasyon sa insidente sa Recto Bank, tsk-ts
- BULGAR

- Jul 4, 2019
- 2 min read
SALAMAT naman at nagsimula nang umulan. Ilang araw din tayong nakaranas ng tuluy-tuloy na ulan. Bagama’t, may mga dating problema na dulot ng ulan tulad ng pagbaha, bahagya namang umakyat ang lebel ng Angat Dam na alam nating peligrosong bumaba na lampas sa kritikal na lebel. Pero, ang babala ng PAGASA, huwag munang matuwa dahil hindi pa tumataas sa komportableng lebel ang Angat dahil tuyo na ang lupa sa paligid nito. Kailangan munang masipsip ng lupa ang tubig-ulan bago magsimulang tumuloy sa Angat.
Nagsimula na rin ang panahon ng mga bagyo sa bansa kung saan nakahanda na raw ang mga pangalan nito kapag pumasok na sa ating Philippine Area of Responsibility (PAR). Bagama’t, may mga pumasok na sa PAR, wala pa talagang tumama sa bansa.
Simula pa lang ito, kailangan pa rin natin ng ulan para mapuno nang husto ang lahat ng mga dam sa bansa at siyempre, para mapaghandaan ang susunod na tagtuyot.
◘◘◘
Ayaw daw pumayag ng China na magkaroon ng third party sa imbestigasyon ng insidente sa Recto Bank noong Hunyo 9. Ang gusto raw nito ay ang dalawang panig lang ang sabay na mag-imbestiga. Bakit kaya ayaw nito ng third party kung makatutulong naman para malaman ang katotohanan? Kaya third party ang gusto natin para walang impluwensiya at walang papanigan. Siguradong lalabas na hindi magkatunggali ang sinimulang imbestigasyon dahil hindi aaminin ng China na basta na lang nilang iniwan ang mga kababayan nating mangingisda.
Noong una, iginiit ng Palasyo sa China na kailangang may third party sa imbestigasyon, pero ngayon, mungkahi lang daw. Anong nangyari, nagbanta na naman ba ng digmaan? May mangyayari kaya sa imbestigasyon kung tila hindi alam ng mga mangingisda kung ano ang dapat nilang sabihin? Tila mahaba-habang usapan pa ang isyung ito.





Comments