Solusyon sa agawan sa Kamara — Pulong | TATAKBO ‘KONG SPEAKER
- J. Tumbado / M. Alfonso
- Jul 3, 2019
- 2 min read

MAKIKISAWSAW na rin umano sa agawan sa pagka-House Speaker ng ika-18 Kongreso si Presidential Son at Davao City 1st District Rep. Paolo ‘Pulong’ Duterte.
Nauna nang inihayag ng nakababatang Duterte na wala siyang interes sa posisyon ngunit, nagbago umano ang isip nito nang ipilit ni incoming Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang term-sharing o hatian ng termino sa Kamara.
“The House is divided, I might be able to help unite it. Pareho lang kaming binoto ng mga tao, ah. Kung term-sharing, term- sharing na kaming lahat,” ayon kay Duterte. Itinutulak ni Duterte na mapaghatian ang posisyong Speaker ng mga kinatawan mula sa Mindanao, Visayas, Luzon at partylist groups.
“I will ask the Visayas bloc to elect their Speaker for their term share, and so with the Mindanao bloc and the partylist coalition,” ani Duterte. Ibig aniyang sabihin, hindi lamang dalawang mambabatas ang maghahati ng termino kundi paghahatian ng iba pang mga kinatawan.
Giit pa ni Duterte, dapat nang tigilan ng mga kumakandidato sa pagka-Speaker na impluwensiyahan ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na bahala na ang mga kongresista na maglabu-labo at wala siyang ieendorsong kandidato.
Kabilang sa mga nakikipag-agawan sa pagka-Speaker sina Cayetano, Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate.
Samantala naniniwala si Senador Christopher ‘Bong’ Go na may isang salita si Pangulong Duterte. “Knowing the president, kilala ko po siya in the last 21 years. Kung ano pong binitawan na salita ni Pangulong Duterte ay tutuparin niya po ‘yun,” wika ni Go
Tugon ito nang tanungin kung tutuparin ng pangulo ang pahayag na siya ay magbibitiw sa puwesto sakaling tumakbo sa House Speakership race si Paolo. Taliwas naman ito sa pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na posibleng magbago ang isip ng pangulo at maaari rin umanong magbago ang isip ng batang Duterte.





Comments