top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

ANCAJAS, PUMIPILI PA KINA ESTRADA, MOLONEY AT MARIN PARA SUMAGUPA

A. Servinio
Jul 3, 2019
1 min read

PINIPILI pa ni International Boxing Federation (IBF) Super Flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas kung sino ang kanyang susunod na haharapin para sa ika-walong depensa ng korona na una niyang nahawakan noong 2016. Tatlong malalakas na boksingero ang nasa listahan kabilang sina Juan Francisco Estrada ng Mexico, Andrew Moloney ng Australia at Alexandru Marin ng Romania.

Si Estrada ang World Boxing Council (WBC) Super Flyweight champion at gusto ng kampo ni Ancajas ang posibilidad ng isang malaking unification fight.

“Nakita ko si Estrada at magaling siya, karangalan ko na makaharap siya,” wika ni Ancajas sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel Manila. Kasama ni Ancajas ang coach na si Joven Jimenez at aniya, kahit wala pang tiyak na makakalaban, nagsimula na ang ensayo sa isang gym sa Cavite. Napipisil na gawin sa huling linggo ng Setyembre o unang linggo ng Oktubre ang depensa pero, wala pa rin itong tiyak na lugar.

May kartadang 39-3 panalo-talo si Estrada at huli siyang lumaban noong Abril 26 kung saan nakaganti at naagaw ang korona ng WBC kay Wisaksil Wangek. Maliban kay Estrada, nariyan din si Marin na kampeon ng International Boxing Organization (IBO) Inter-Continental Super Flyweight at walang talo sa kanyang 18 laban.

Wala ring talo ang Australyanong si Moloney sa kanyang 20 laban ngunit, wala siyang hawak na titulo sa ngayon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page