Mga programang nagpapatibay ng edukasyon, susi sa maunlad na buhay ng bawat Pilipino


PANGARAP ng bawat magulang ang mapagtapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak. Ang pagkakaroon ng college degree ay napakalaking oportunidad upang maiangat ang kanilang antas sa buhay.
Isa sa kinikilalang dahilan ng kahirapan ay ang kakulangan ng edukasyon kaya naman puspusan ang ating gobyerno na magbigay ng mga programang mapakikinabangan upang wakasan ang suliraning ito tulad ng pagpapaangat sa kalidad ng sistema ng edukasyon at pagkakaroon ng handang trabaho para sa bawat Pilipino.
Malaki ang ginagampanang tungkulin at pamumuno ng Commission ng Higher Education (CHED) upang turuan at linangin ang kaalaman, kasanayan at kakayahan ng mga estudyante para maging matagumpay sila sa buhay.
Sa pamamagitan ng kanilang mga karunungan at kaalamang napulot mula sa pag-aaral, unti-unti itong nagiging tulay para umunlad ang pamumuhay at makawala mula sa kahirapan.
Ayon sa international financial institution na World Bank kung saan ang layunin ay wakasan ang kahirapan sa buong mundo sa 2030, edukasyon ang pinakamakapangyarihang kasangkapan upang mapagaan ang kahirapan, mapalusog ang mamamayan, mapairal ang katahimikan at kapayapaan saanmang panig ng mundo.
Sa kasalukuyan, marami pa rin ang mga bansa, kabilang ang Pilipinas, ang hindi pa lubos na nakakamit ang layunin ng Millennium Development Goals (MDGs) na itinakda ng United Nations (UN) noong 2015.
Para sa kaalaman nating lahat, narito ang walong MDGs:
sugpuin ang matinding kahirapan at kagutuman.
isagawa ang pangkalahatang primaryang edukasyon.
itaguyod ang pagkakapantay-pantay at pagbibigay ng kapangyarihan sa mga babae.
bawasan ang dami ng namamatay na bata.
paunlarin ang pang-inang kalusugan.
labanan ang HIV/AIDS, malarya at iba pang mga sakit.
tiyakin ang kapanatilihang pangkapaligiran.
paunlarin ang pandaigdigang pagsasama tungkol sa kaunlaran.
Ayon sa datos ng United Nations Development Programme (UNDP), ang Pilipinas ay may 26.5 porsiyento ng mamamayang mahihirap ngunit, nais nila itong mabawasan at gawing 16.6 porsiyento na lamang.
Upang makamit ang ganitong layunin, kinakailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, partikular sa sektor ng basic at higher education.
Nakatutuwa naman na sa ating bansa ay dumarami na ang mga malilikhaing paraan upang makatulong sa kabataang nangangailangan ng tulong-pinansiyal tulad na lamang ng conditional cash transfer program o microfinance.
Mayroon ding mga civic organization na tumutulong upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyante.
Nagsisilbi silang suporta na patuloy na mabawasan ang kahirapan at makatulong sa pag-aaral ng mga bata.
Kabilang din dito ang mga non-government organization na nagkakaloob ng tulong sa mga mag-aaral upang matutong kumita ng sariling pagsisikap, mag-aral at matustusan ang kanilang pag-aaral.
Higit sa lahat, ang ating batas na Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act na sumasagot sa matrikula ng mga college student sa lahat ng state at local universities at colleges (SUCs at LUCs).
Sa kabila ng maraming pagsubok, hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo, isang aral ang ating nakikita sa usaping ito: Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulung-tulungan ng bawat isa para magkaroon ng de-kalidad na edukasyon — gobyerno man o pribadong sektor, may posisyon o wala, may kapalit man o wala, nagkakaroon tayo ng pag-asa na magiging maayos din ang lahat at pag-unlad na hinding-hindi mapipigilan.
Dahil dito, darating ang araw na wala nang sinuman ang maghihirap at hindi makapagtatapos ng pag-aaral!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments