Hirit ni P-Digong na term-sharing sa kamara, sinopla

PINALABAS umano ni Marinduque Cong. Lord Allan Jay Velasco na sinungaling si Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong walang nabanggit na hatian ng panahon sa puwesto para sa Speakership.
Gayung ang pangulo umano mismo ang kumumpirma sa kasunduan at nagsabing sumang-ayon siya sa solusyong ito para matapos na ang hindi pagkakasundo ng dalawang mambabatas.
Kaugnay nito, dismayado si Taguig-Pateros Cong. Alan Peter Cayetano sa inasta ni Velasco at pinaalala rito na ang pangulo pa mismo ang nagpaliwanag sa mga kung ano ang napagkasunduan nila ni Velasco sa pag-upo bilang Speaker ng 18th Congress. “Pinagmumukha niyang sinungaling ang ating pangulo. Iniiba niya at pinabubulaanan pa ang mga sinabi ni Pangulong Duterte para umayon sa kung ano ang pabor sa kanya,” dagdag pa ni Cayetano.
Kinumpirma rin ni Pangulong Duterte na pumayag si Cayetano na umupo sa mas maikling termino na unang 15 buwan bilang Speaker at si Velasco sa susunod na 21 buwan.
Gayunman, ayon sa pangulo, last minute nang tila nag-backout si Velasco. “May maayos at sibilisadong paraan para sabihing ayaw mo sa isang kasunduan at meron ding tamang panahon at ‘yan ay habang magkakaharap kayo kasama ang pangulo. Kung aatras ka at the last minute at pagmumukhain mo pang sinungaling ang pangulo, nagpapakita lamang ito ng kawalan ng paggalang sa kanya,” ani Cayetano.





Comments