‘Di nagsuspinde kahit may deklarasyon na ang alkalde | BANTA SA UE: MATIGAS ANG ULO, LAYAS!
- Mylene Alfonso
- Jul 2, 2019
- 1 min read

NAGBANTA si Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Domagoso na babawiin ang permit ng University of the East makaraang hindi suspendihin ang kanilang klase sa kabila ng kanyang deklarasyon.
“University of the East, ‘wag matigas ulo n‘yo, ah. Nagdeklara na kami ng suspensiyon ng klase. Ngayon, kung ayaw ninyong sumunod, umalis kayo sa Lungsod ng Maynila. We will withdraw your permit to operate in the City of Manila,” sabi ni Moreno matapos makatanggap ng reklamo na sinuspinde lamang ng UE ang klase hanggang Grade 12.
Una nang inanunsiyo ni Moreno ang suspensiyon alas-9:49 ng umaga ngunit, alas-10:52 ng umaga nang suspendihin ng UE ang klase mula sa kinder hanggang Grade 12 batay sa kanilang Facebook page.
“Marami na akong natatanggap sa n‘yo, ngayon meron na naman. ‘Wag naman. Makisama naman kayo sa Pamahalaang Lungsod. Eh, ayaw n‘yo pa lang makinig sa‘min, eh, ‘di umalis kayo sa Maynila. You’re not welcome here,” ani Moreno.
“We are only after sa kaligtasan ng mga estudyante dahil ang mga magulang ay nag-aalala. Nothing more, nothing less,” dagdag pa ng alkalde.
Matapos ang banta ni Moreno, agad sinuspinde ng UE ang klase sa lahat ng level sa Maynila at maging sa Caloocan branch nila.





Comments