Kasunduan nina P-Duterte at Chinese Pres. Xi Jinping, mga Pinoy ang agrabiyado!
- BULGAR

- Jul 1, 2019
- 2 min read
HANGGANG NGAYON, GINAGAWANG KATATAWANAN ANG SABLAY NA STATEMENT NI SENATE PRES. SOTTO—Hanggang ngayon ay ginagawan pa ring katatawanan o memes ng mga netizen sa social media ang sinabi ni Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III na puwedeng mangisda sa karagatang sakop ng Pilipinas ang mga Chinese dahil ang huhulihin lang daw ng mga ito ay ang mga ‘isdang Chinese’ na maaaring napadpad daw sa West Philippine Sea (WPS).
Next time, sana, bago magbigay ng statement si Senate Pres. Sotto tungkol sa national issue ay isipin niyang siya ay Senate President at hindi komedyante sa pelikula, boom!
◘◘◘
TALO ANG MGA PINOY SA KASUNDUANG GINAWA NI P-DUTERTE SA CHINA — Agrabiyado ang mga Pilipino sa pinasok na kasunduan ni P-Duterte kay Chinese Pres. Xi Jinping tungkol sa pangingisda sa dagat ng Pilipinas.
Ang mga Chinese ay puwede nang mangisda sa teritoryong sakop ng Pilipinas, pero ang mga Pinoy, hindi puwedeng mangisda sa teritoryo ng China, buwisit!
◘◘◘
IMBES NA UNAHIN ANG SUBWAY, PAGTUUNAN MUNA ANG PROBLEMA SA BAHA—Naperhuwisyo na naman ang publiko sa baha dulot ng malakas na buhos ng ulan.
Hay naku, dapat pagtuunan muna ng pansin ng Duterte gov’t. na masolusyunan ang problema sa baha at hindi ‘yung panay ang pabida nila na magpapagawa raw sila ng subway kasi sa totoo lang, hindi mapakikinabangan ang subway kung lulubugin din ito ng baha, period!
◘◘◘
‘RAMON’, ‘MEDY’ AT ‘JUN MORIONES’, HINDI LANG SA MAYNILA MAY RAKET KUNDI PATI SA PALAWAN AT MINDORO—Bukod daw sa may pa-lotteng na sa Maynila si “Jun Moriones” at ang mag-asawang “Ramon” at “Medy” ay may pa-jueteng pa rin daw sila sa Palawan at Mindoro.
Grabe ang raket ng mga iligalistang ito kasi dati sa Maynila lang sila nanraraket, ngayon pati sa mga probinsiya, nakapanraraket na sila, mga pwe!





Comments