BALANGA AT ISABELA, BIGO SA CHINA FIBA 3X3 CAMPAIGN

NAGING pansamantala ang kasiyahan ng mga koponang Filipino sa FIBA 3X3 Haining Challenger noong Sabado sa Tsina.
Isa-isang bumagsak at nagwakas ang torneo ng Balanga Chooks at Isabela City Chooks sa harap ng mga malalakas na beteranong kalaro galing Europa. Maganda ang simula ng kampanya ng Pinoy noong umaga matapos mawalis ng mga baguhan ng Isabela ang dalawang pambato ng Mongolia na Sukhbaatar, 21-17 at Taikhar, 18-15, upang makapasok sa main draw.
Ibang klaseng tapang ang ipinamalas ng tatlong manlalaro na sina Roosevelt Adams, Marcus Hammonds at ang bagong pirmang si Gab Banal dahil nagkaroon ng suliranin sa bisa si Franky Johnson at hindi nakasama sa paglipad.
Mahirap maglaro nang 10 minuto ng 3X3 na walang kapalit at pumasok na ang pagod sa tatlo pagdating ng hapon at lumuhod sa kanilang dalawang laban kontra Russia.
Unang lumuhod ang Isabela sa Gagarin, 21-13 at sinundan ito ng pagkatalo sa Moscow Inanomo pagkatapos ng isang oras, 22-14, para magpaalam nang maaga.
Pareho rin ang kapalaran na sinapit ng Balanga Chooks na tinampukan nina Alvin Pasaol, Karl Dehesa, Chris De Chavez at Travis Franklin. Pinahirapan ng husto ng Balanga ang numero unong koponan ng torneo, ang Liman ng Serbia, bago matalo ng 1 puntos na lamang, 21-20, salamat sa dos ni Mihailo Vasic na may 5 segundong nalalabi sa orasan.
Sa sumunod na laban, hindi napigilan ng Balanga ang anim na malalayong dos ng Sosnovy Bor at matalo muli, 22-14.





Comments