5 miyembro ng gun-for-hire, kulong

TIMBOG ang hinihinalang gun-for-hire at apat nitong kasabwat sa pagpatay sa isang negosyante dahil umano sa love triangle sa Caloocan City.
Ipinrisinta nina NCRPO Director Major General Guillermo Eleazar, Caloocan City Police P/Col. Noel Flores at PLt. Col. Ferdie del Rosario ang mga naarestong suspek na sina Alexander Fernandez alyas Tatay, 60; Randy Vicente, 42; Dexter Cariliman, 48; Jandrex Paguyanan alyas Tisoy, 22, pawang ng Bgy. 178 at Jason Villamor alyas Regie, 31, ng Bgy. 176.
Unang naaresto ng mga tauhan ng PCP-3 sa pangunguna ni P/Maj. Raymond Nicolas sina Pagayunan at Villamor at sa isinagawang tactical interrogation, inginuso ng mga ito ang hideout ng kanilang mga kasama sa Bgy. 178 na nagresulta sa pagkakaaresto kina Fernandez, Vicente at Cariliman.
Nauna rito, alas-8:50 ng gabi noong June 28 nang pagbabarilin ng hindi kilalang gunman si Eugene Borlaza, 38, negosyante ng Bgy. 176, Bagong Silang habang naglalakad sa Phase 4C.
Inamin ni Vicente kay NCRPO Chief Gen. Eleazar na siya ang bumaril kay Borlaza matapos umano siyang bayaran ng P5,000 ng asawa ng sinasabing lover ng biktima na nasa ibang bansa sa pamamagitan ni alyas Tisoy.
Positibo namang kinilala ng mga saksi si alyas Tisoy na driver ni Vicente habang nagsilbi namang back-up si Cariliman na sakay din ng motorsiklo habang inaalam pa kung sangkot ang grupo ng mga suspek sa iba pang iligal na aktibidad.





Comments