top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagpapasara sa mga Chinese business na walang sapat na dokumento, dapat lang!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 30, 2019
  • 2 min read

SA kabila ng pahayag ni DTI Sec. Ramon Lopez na lumobo ang pamumuhunan ng China sa bansa sa ilalim ng patakaran ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging malapit sa China, mahigit 33 negosyong tindahan at kainan na pinatatakbo ng mga Chinese ang isinara ng lokal na pamahalaan ng Parañaque.

Ayon kay Business Permits and Licensing Office (BPLO) Chief Melanie Soriano-Malaya, lahat ng mga isinarang negosyo ay wala o hindi nakapagsumite ng mga kinakailangang dokumento mula sa lokal na pamahalaan, lokal na tanggapan ng kalusugan, maging sa Bureau of Fire Protection (BFP) mula nang magbukas sila noong isang taon.

Pero, kailangang tanungin si Madame Soriano kung bakit sila nakalusot mula sa lokal na pamahalaan at barangay.

Dapat, noong itinatayo pa lang ang mga negosyo ay may mga permit na dapat ‘yan, hindi ba? Dapat may construction permit at iba pa bago makapagbukas ng mga negosyo. May kilala ba silang opisyal sa barangay o munisipyo na pinabayaan na lang silang itayo ang mga negosyo o talagang walang respeto ang mga Chinese sa ating mga batas tulad ng pahayag ni P-Duterte na hindi rerespetuhin ng China ang ating Exclusive Economic Zone (EEZ) kahit ito ay nasa Konstitusyon?

◘◘◘

Payong kaibigan lang daw ang nais iparating ni Chinese President Xi Jinping sa kanyang sinabi kay Pangulong Duterte na magkakagulo kung itutuloy ng Pilipinas ang paghahanap ng langis sa West Philippine Sea (WPS). Ipinaalala ng pangulo sa lahat ang banta ni Chinese Pres. Jinping sa kabila ng mga batikos at panawagan na huwag payagan ang China na basta na lang makapangisda sa loob ng EEZ.

“Righteous indignation” naman ang paliwanag ni Spokesperson Salvador Panelo sa pahayag ng pangulo na ipakukulong ang sinumang maghahain ng impeachment na kaso laban sa kanya.

Ibig sabihin, tama lang ang galit na ipinakita ni Pangulong Duterte dahil ginagawa lang daw nito ang kanyang trabaho bilang pangulo ng bansa. Hindi naman maipatutupad ng pangulo ang kanyang banta dahil may proseso at karapatan ang lahat, gayundin, ang mga kritiko ng administrasyon. Hindi krimen ang maghain ng kasong impeachment laban sa pangulo kaya hindi ito dahilan para makulong ang sinuman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page