Dating konsehal, inendorso sa SC

PORMAL nang inendorso ng Manila City Council ang patatalaga kay dating 3rd District councilor at kasalukuyang Court of Appeals Associate Justice Jhosep Lopez para sa bakanteng posisyon ng Supreme Court Associate Justice sa pamamagitan ng ipinasang resolusyon, kahapon.
Ang Resolution No. 68 ay iniakda ng mga kapwa 3rd District councilors na pinangunahan nina incoming Secretary to the Mayor Bernie Ang, Councilors Letlet Zarcal, Grace Chua at Re Fugoso.
Una nang nagsilbi si Lopez bilang konsehal ng Maynila mula 1992-1998 at mula 2001-2006 bago siya nai-appoint bilang Chief City Prosecutor ng Maynila noong Pebrero 2006.
Nabatid na si Lopez ay nagtapos bilang cum laude sa University of the Philippines Diliman ng Political Science degree at nagtapos ng kanyang Bachelor of Laws degree sa UP noong 1984 at pumasa sa Bar examination at may gradong 84.55%. Naglingkod din siya kay dating Senate President Jovito Salonga hanggang naitalaga bilang chief legal counsel sa Senate of the Philippines at naging CA Associate Justice noong 2012.





Comments