Bangkay sa septic tank, buking

BUKOD sa mga drogang nasamsam sa buy-bust operation, nadiskubre rin ang bangkay na inilibing sa septic tank ng mga nahuling suspek sa Bacoor City, Cavite, kahapon.
Ayon sa ulat mula sa tanggapan ni Police Colonel William Segun, alas-3:00 ng madaling-araw nang ikasa ang buy-bust operation sa Bgy. San Nicholas 3.
Nahuli ang mga suspek na sina Jimmy Ecleo, Jhune Alexis, Albert Almojuela, Michael Angelo Ranay, Randy Abulencia, Alberto Diche, Arsenio Amante at Jhon Sazar.
Matagal nang may tip sa pulisya na may pinatay ang grupo at doon na kumanta si Ecleo na inilibing nila sa septic tank ang isang alyas Buboy sa ginagawang bahay na pag-aari ng mga suspek. Kuwento pa nito, dati nilang kasama ang biktima pero, napaghinalaang asset ng pulisya kaya pinatay umano ng grupo at doon inilibing.
Agad tinungkab ang ilalim ng lababo at doon umalingasaw ang masangsang na amoy ng bangkay. Kilala ang grupo sa illegal drug trade sa lugar at karatig-bayan nito at bukod dito ay pawang mga gun-for-hire rin ang mga ito.





Comments