top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Pagtanggal ng buwis sa allowance ng public school teachers, napapanahon na

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 27, 2019
2 min read

WALANG kapantay ang ginagawang sakripisyo at dedikasyon ng mahal nating mga guro para lamang matutukan at matiyak na na­tututo ang bawat mag-aaral na kanilang tinuturuan.

Tuwing nakikita nilang nag-aaral nang mabuti ang kanilang mga estudyante, ginhawa at tuwa ang kanilang nararamdaman dahil hindi nasasayang ang iginugugol nilang oras at enerhiya sa pagtuturo.

Mula noong day care at kindergarten, ma­ging sa pagtuntong sa mataas na paaralan hanggang sa magkolehiyo, naririyan na ang ating mga teacher upang tayo ay gabayan at tiyaking naiintindihan ang bawat paksang tinatalakay sa silid-aralan.

Bukod sa karaniwang gawain tulad ng paghahanda ng mga lesson plan, pagsusulit at takdang-aralin, marami pang malawak at mahalagang gampanin ang mga guro sa ating lipunan at sa paghubog ng kakayahan ng kabataang Pinoy.

Nagsisilbi silang kaibigan ng mga mag-aaral na dumaraan sa mga pagsubok tulad ng pambu-bully, kawalan ng tiwala sa sarili o pang-aabuso.

Sila rin ang tagapayo sa kung ano ang tama at maling gawain o pag-uugali at taga­lutas ng away at gulo sa pagitan ng mga mag-aaral o kung kailangang kausapin ang mga magulang tungkol sa katayuan ng bata sa loob ng klasrum.

Sa madaling salita, pangalawang magu­lang kung maituturing ang karamihan sa kanila. Dahil dito, dapat lamang na matanggap nila ang ‘ika nga, “deserving” o nararapat para sa kanila na kompensasyon. Kaya na­man, ating sinusuportahan ang intensiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na itaas ang su­weldo ng mga public school teacher.

Sa parte naman ng mga mambabatas, handa tayong tumulong at bigyan ito ng prayoridad sa lalong madaling panahon.

Ilan sa ating mga nakikitang kailangang ipatupad ay ang pag-angat ng kanilang take home pay at ang hindi na pagpataw ng buwis sa kanilang allowance.

Bukod dito, isa rin sa mga nais nating iakda na panukalang-batas sa pagbubukas ng ika-18 Kongreso ngayong Hulyo ay ang pagtatanggal ng kinakaltas na buwis sa ho­noraria na natatanggap ng mga guro tuwing halalan.

Ito ay paraan upang kilalanin ang napa­kahalaga at makabuluhang papel na gi­nagampanan upang mapanatili ang kaayusan at integridad sa nasabing gawain.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang entry-level na public school teacher ay kumikita ng P20,754 kada bu­wan nang may P2,000 halaga ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA).

Kung daragdagan ng P10,000 kada buwan ang kanilang sahod ay kakailanganin ng gob­yerno ng P150 bilyon pondo, base kay DepEd Secretary Leonor Briones.

Bilang guro, tungkulin nitong hubugin ang bawat kabataan upang maging mabuti at res­ponsableng mamamayan ang mga ito.

Sila rin ang dahilan kaya mayroong mga propes­yunal tulad ng lider, doktor, nars, pulis, inhinyero, arkitekto, abogado at iba pa.

Ang ibinabahagi nilang karunungan ang sandata natin upang magtagumpay sa bawat larangan ng buhay kaya dapat lamang na sila ay bigyan ng mataas na rekognisyon, respeto at paggalang bunga ng kanilang sipag at tiyaga.

Masaya tayong binigyang-prayoridad ng pamahalaan ang paglalaan ng pondo para sa karagdagang sahod ng halos 830,000 guro.

Sa pagtutulungan at pagsuporta ng mga mambabatas sa pagpapatupad ng nasabing adhikain, inaasahan nating maisasakatuparan na ito sa lalong madaling panahon!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page