top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

‘PINAS, NAISAHAN ANG KUMURAP NA CZECH, PASOK SA ROUND 2

Eddie M. Paez, Jr.
Jun 27, 2019
1 min read

DINAIG ng Pilipinas ang Czech Republic, 7-6, sa pagsisimula ng 2019 World Cup of Pool sa palaruan ng Morningside Arena sa Leicester, United Kingdom noong Martes (Miyerkules ng umaga sa Pilipinas).

Pero taliwas sa inaasahan, dumaan sa butas ng karayom ang mas pinapaborang Pilipinas bago nanaig ang tatag ng pulso at tikas ng pinagsanib na puwersa nina Carlo Biado at Jeffrey de Luna kontra kina Roman Hybler at Michal Gavenciak. Gayunpaman, ang panalo ang naging tulay upang makausad sa susunod na round ang Pilipinas sa prestihiyosong kompetisyong may patakarang “uuwi kapag kumurap” at magkakaloob ng cash pot na $250,000 sa mga papasok sa winners’ circle.

Haharapin nina Biado at De Luna ang pambato ng Albania na sina Eklent Kaci at Besar Spahiu sa round 2. Dinaig ng Albania sa pambungad na yugto ang Russia, 7-3, sa paligsahang nilalahukan ng mga kinatawan mula sa 31 na bansa.

Inaasinta ng Pilipinas ang 4th crown nito sa kompetisyon. Matatandaang noong 2006 at 2009, nakuha ng Pilipinas ang titulo sa tulong nina Efren “The Magician” Reyes at Francisco “Django” Bustamante. Nagtulungan sina Lee Van Corteza at Dennis “Robocop” Orcullo para sa pangatlong titulo noong 2013. Bukod sa tatlong korona, sumegunda rin ang Pilipinas sa kompetisyon na ginanap noong 2010 sa pamamagitan nina Orcullo at Roberto “Superman” Gomez.

Samantala, inilampaso ng nagtatanggol na kampeon at topseed China (Wu Jiaqing at Liu Haitao) ang Sweden (Marcus Chamat at Tomas Larsson), 7-1, upang ianunsiyo ang intensyong makasikwat ng pang-apat na titulo sa kasaysayan ng torneo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page